
Kasalukuyang napapanood ang Sparkle actress na si Caprice Cayetano sa hit family drama na Cruz vs. Cruz at marami ang humahanga sa kanyang husay sa pag-arte, lalo na sa mga emosyonal na eksena nito sa serye.
Sa naganap na Kapuso Artistambayan, tinanong ng host na si Maey Bautista ang dating child star kung gaano kabilis siya naiiyak at ano ang iniisip nito para maiyak kaagad sa camera.
“Siguro po medyo nasanay-sanay na po kasi nagwu-workshop din po ako kay Ms. Ana. At saka, parang ever since po kasi 'yung mga role ko parang malulungkot. So parang alam ko na kung ano 'yung huhugutin ko para maiyak po talaga ako,” pagbabahagi ni Caprice.
Dagdag pa ng teen star, “Pero siyempre may times po na parang nahihirapan ako kasi hindi ako maka-relate. So hahanap po talaga ako ng moment na nakakaiyak. Tutulo nalang po 'yung luha ko."
Ayon pa kay Caprice, humanga siya sa character development ng kanyang role bilang Jessica.
“Humanga po ako kasi parang wala naman talagang tao na gano'n kahaba 'yung pasensya. So parang realistic po talaga 'yung story na talagang may masasagad talaga na tao na parang mapapalaban talaga si Jessica,” aniya.
Bago pa ang Cruz vs. Cruz, napanood na si Caprice sa iba't ibang Kapuso drama series tulad ng Kambal, Karibal, Hindi Ko Kayang Iwan Ka, Asawa Ko, Karibal Ko, at iba pa.
Samantala, subaybayan ang hit family drama na Cruz vs. Cruz tuwing Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
MAS KILALANIN PA SI CAPRICE CAYETANO SA GALLERY NA ITO.