
Isang proud na anak ang Sparkle artist na si Caprice Cayetano nang mapag-usapan ang kanilang ga magulang sa loob ng Bahay ni Kuya.
Sa confession room, ibinahagi ni Caprice ang love story ng kanyang mga magulang kay Kuya.
“Si mommy po, pinanganak niya po ako noong 15 po siya at si daddy po, 17 po siya noong time na 'yun, Kuya,” ikinuwento ng Sparkle artist.
Inamin ni Caprice na nahirapan ang kanyang mga magulang dahil wala pa sila “tamang age” noong ipinaganak siya habang pinagsasabay nila ang kanilang pag-aaral.
Dagdag pa niya, “Tinulungan po sila ng lola at lolo ko [palakihin] ako habang nag-i-school po 'yung parents ko po, Kuya.”
Bilang isang 16 year old, naisip ni Caprice ang hirap na pinagdaanan ng kanyang mga magulang noon.
“Ako po, nung na-feel ko po nung bata po sila nung pinanganak po ako, parang 'grabe nalungkot po ako. Kasi, kung iisipin ko po na 'yun po, 16 po ako 'tapos may anak ako, parang hindi ko po ma-imagine kung paano ko po maisasabay 'yung school ko ganoon, kung paano po ako mag-aalaga. So, napaisip po ako ng ganoon, Kuya,” pahayag niya.
Dagdag pa ng young actress, “Naging proud po ako sa kanila."
Ikinuwento rin ni Caprice na hindi kailanman nag-break ang kanyang mga magulang kaya naisip niya na “meant to be” talaga sila at nasundan pa siya ng isa pang kapatid.
Sa gitna ng kanyang kuwento, napansin ni Kuya na halos maluha na ito.
“Ako po, Kuya, naluluha po ako in a good way kasi happy po ako para sa kanila, sa family po namin. Happy na po ako sa kung anong meron po ako, sa family na meron po kami, so happy tears po, Kuya,” paliwanag niya.
Ipinagmalaki ni Caprice ang pagiging mabuti sa kanya ng kanyang mga magulang.
“Pinalaki po nila ako nang maayos kahit bata pa po sila naging parents,” aniya.
“Nakita ko rin po na naging good example pa rin po sila sa akin, talagang na-make sure talaga nila na hindi mangyayari sa akin kung ano 'yung nangyari sa kanila before.”
Mas lalo siyang naging proud dahil talagang ginabayan siya ng kanyang mga magulang, pati na rin ng kanyang lola at lolo.
Naantig naman si Kuya sa kanyang kuwento at pinuri ang pamilyang kinalakihan ni Caprice.
“Caprice, napakaswerte mo. Isa kang produkto ng tunay na pagmamahal, na bagamat bata pa noong nagsimula, sabay naman umusbong at nagbunga, naging mas matatag,” sabi ni Kuya kay Caprice.
Dagdag pa niya, “Sa totoo, tuwing nakikita kita, alam ko pinalaki ka ng tama ng iyong pamilya and that is something they are most proud of.”
Naluha naman lalo si Caprice nang marinig ang mga sinabi ni Kuya at taos-pusong nagpasalamat.
“Thank you po, Kuya. Sobrang na-appreciate ko 'yung sinabi niyo. Tagos po sa puso, Kuya,” pasasalamat niya.
Si Caprice ay isa sa Kapuso housemates sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0. Siya ay kilala bilang "Ang Demure Daughter ng Quezon City."
Huwag magpahuli sa mga kaganapan sa loob ng Bahay ni Kuya. Panoorin ang PBB All-Access Livestream dito.
RELATED GALLERY: All the stunning looks of Kapuso teen star Caprice Cayetano