
Ngayong nasa outside world na ang Kapuso Big Winner na si Caprice Cayetano, matapang niyang hinarap ang mga isyung kinasangkutan niya bilang isa sa mga housemate ng PBB Celebrity Collab Edition 2.0.
Sa panayam niya sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Lunes, March 2, nilinaw ng Sparkle artist ang diumano'y isyu nila ng Kapamilya Big Winner na si Lella Ford.
Matatandaang noong The Ultimate Tapatan, nabanggit ni Lella ang pangalan ni Caprice sa tanong kung sino ang hindi karapat-dapat mapabilang sa Ultimate 8.
Nilinaw niya kay Tito Boy Abunda na magkaibigan sila ni Lella sa loob at maging ngayon na nasa labas na sila ng Bahay ni Kuya. Ibinahagi rin niya na wala siyang sama ng loob sa sinabi ni Lella noong The Ultimate Tapatan.
“Ako hindi naman po, wala naman po akong na-feel na negative doon sa sinabi niya,” paglinaw ni Caprice.
Dagdag pa ng Sparkle artist, naiintindihan niya ang ginawa ni Lella dahil isa ito sa mga hamon noong The Ultimate Tapatan.
“Kasi may utos po sa si Kuya nun na kulang pa po sa pagpapakatotoo, and ako po [yung sinabi],” kuwento niya.
Dagdag pa niya, “And doon ko po napili si Lella and si Miguel [Vergara] po dahil ayun po talaga 'yung nilalaman ng heart ko, and I am very honest na ayun po talaga 'yung nafe-feel ko ng time na 'yun.”
“Ako po, hindi naman po ako nasaktan,” sabi ni Caprice nang mabanggit siya ni Lella bilang hindi umano karapat-dapat maging bahagi ng Ultimate 8.
Nilinaw rin ni Caprice na maayos na silang nakapag-usap tungkol sa nangyari.
“Siya po parang nagso-sorry siya. Sabi ko po, walang problema dun dahil kinailangan niya lang naman po talagang sagutin 'yun kasi The Ultimate Tapatan po talaga 'yun at alam ko na nahihirapan din po siya. Natagalan din po siya,” pahayag niya.
Itinanghal sina Caprice at Lella bilang Big Winners ng PBB Celebrity Collab Edition 2.0.
Ginanap ang Big Night noong Sabado, February 28, na dinaluhan ng ex-PBB housemates, Sparkle, at Kapamilya artists upang magbigay ng performance at suporta sa Ultimate 8.
Samantala, balikan dito ang kaganapan noong Big Night ng PBB Celebrity Collab Edition 2.0: