
Tumitindi na ang mga tagpo sa hit drama sa hapon na Cruz vs. Cruz.
Marami rin ang humahanga sa husay ng pag-arte ng Kapuso teen actress at dating child star na si Caprice Cayetano, na gumaganap bilang Jessica sa naturang serye.
Sa online exclusive video na inupload ng GMA Network online, ipinakita ang behind-the-scenes ng eksena nina Caprice at kanyang onscreen mom na si Gladys Reyes, na bumibida bilang Hazel.
Mapapanood sa video ang pagsampal ng Primera Kontrabida sa Kapuso teen actress sa kanilang eksena. Ibinahagi rin ni Caprice ang kanyang experience sa nasabing scene nila ng batikang aktres.
“Masakit po pero hindi 'yung sobra-sobra na parang 'ayoko na masampal' parang gano'n, hindi. Kasi makakatulong siya sa pag-act mo e, na parang ..boogsh. Grabe, damang-dama mo, magagamit mo siya sa pag-act,” pagbabahagi niya sa interview.
Matapos ang kanilang matinding eksena, sinabi ni Caprice, “Isa pong karangalan na masampal ni Ms. Gladys."
Hirit naman ni Gladys, “Si Caprice nawala 'yung pagka-Chinese. Parang sabi niya, 'parang hindi naman gano'n ang usapan' [laughs].”
Subaybayan ang Cruz vs. Cruz tuwing Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m., sa GMA Afternoon Prime.