
Ibinalita sa programang Fast Talk with Boy Abunda na totoo ang mga report na lumabas tungkol sa pagkakaaresto sa Careless Entertainment CEO at business partner ni James Reid na si Jeffrey Oh.
Sa “Today's Talk” segment ngayong Martes (August 8), ibinahagi ni Boy Abunda na kinumpirma ng spokesperson ng Bureau of Immigration na si Dana Sandoval na inaresto si Jeffrey dahil wala diumano itong work permit at visa.
“Kinumpirma sa amin ni Dana Sandoval, ang spokesperson ng Bureau of Immigration, na totoo po ang lumabas na reports nitong nakaraang linggo na inaresto ng mga awtoridad ang 34-year-old business partner ni James Reid na si Jeffrey Oh dahil wala diumano itong work permit sa bansa.
“Si Jeffrey Oh ay isang Korean-American at CEO ng Careless Entertainment, ang kumpanya na itinatag nila ni James. Nagmamay-ari rin si Jeffrey ng restaurants at isang club lounge sa Makati. Inaresto si Jeffrey ng mga immigration operatives noong July 28 sa Poblacion, Makati matapos makatanggap ang Bureau of Immigration ng reklamo na wala diumanong visa at work permit si Jeffrey,” pagbabahagi ni Boy.
Ayon kay Boy, tinanong nila sa spokesperson ng Bureau of Immigration kung sino ang naghain ng reklamo ngunit tumanggi si Dana Sandoval na magbigay ng detalye tungkol dito. Kasalukuyan din daw na nasa Bureau of Immigration Facility sa Bicutan, Taguig si Jeffrey at humaharap sa deportation charge.
Sinabi rin ng batikang talk show host na bukas ang Fast Talk with Boy Abunda kina James at Jeffrey para sa kanilang panig ng kuwento tungkol dito.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.