
Magsasama-sama sa isang kakaibang Kapuso serye ang tatlo sa pinakamahuhusay na mga aktor ng GMA Network na sina Carla Abellana, Beauty Gonzalez, at Gabby Concepcion.
Ngayong 2023, bibida sila sa GMA Afternoon Prime Series na Stolen Life.
PHOTO SOURCE: carlaangeline/ concepciongabby / beauty_gonzalez
Ang Stolen Life ay kuwento tungkol sa babaeng "mananakawan" ng buhay dahil sa astral projection.
Si Lucy (Carla) ay ikakasal sa mayaman at mapagmahal na si Darius (Gabby) at bibiyayaan sila ng mabuting anak. Samantala, ang pinsan niyang si Farrah (Beauty) ay makararanas ng kabaliktaran ng buhay ni Lucy.
Dahil sa isang insidente ay magiging wanted criminal si Farrah. Para makuha ang buhay na kanyang pinapangarap, gagamitin niya ang astral projection para sumapi sa katawan ni Lucy. Sa kabilang banda, mapupunta naman si Lucy sa katawan ni Farrah, kung kaya siya ang makukulong sa krimen na ginawa ng kanyang pinsan.
Mababawi kaya ni Lucy ang kanyang buhay na inagaw ni Farrah? Tunghayan sa Stolen Life sa GMA Afternoon Prime.
Mapapanood din sa Stolen Life ang pagganap ng isa sa mga hinahangaang aktres sa industriya na si Celia Rodriguez bilang Azon Rigor.
Tampok din dito sina Divine Aucina bilang Joyce, Anjo Damiles bilang Vince, Lovely Rivero bilang Belen, at William Lorenzo bilang Ernesto.
Ang Stolen Life ay sasailalim sa direksyon ni Jerry Sineneng at mapapanood sa GMA Afternoon Prime simula July 3.