
Tila mapapa-"stay forever" ang mga puso ng madlang people sa harana ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 star na si Carmelle Collado.
Nitong Lunes (March 16), muling tumungtong sa It's Showtime stage ang "Tawag ng Tanghalan" champion. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi para tapatan ang mga hurado, kundi para awitin ang kanyang bagong single na "Stay".
Hindi napigilan ng madlang people na kiligin at maantig sa harana ni Carmelle.
Sa kabila ng kanyang soulful performance, todo energy naman ang PBB housemate na bumati at nakipagkulitan sa It's Showtime family.
"Ikaw ba Carmelle, ang tanong namin, kung may isang memory na gusto mo mag-stay habang buhay ano 'yun?" tanong ni Jhong Hilario.
"Sa ngayon naiisip ko po 'yung sa loob po ng Bahay ni Kuya. Kasi inaamin ko po na talagang nakaka-miss din po talaga sa loob ng Bahay ni Kuya. Sana mag-stay pa po ko nang matagal doon kasi nakaka-miss po talaga," sagot ni Carmelle.
"Gusto mo ba talaga mag-stay Carmelle? Baka ibalik kita roon sa loob ng bahay ko," hirit ni Jhong sa boses ni Kuya.
Ang tawanan sa studio ay kaagad sinundan ng mga tili ng fans nang tanungin ni Vhong Navarro ang PBB star kung sino, maliban sa kanyang pamilya, ang nais niyang mag-stay sa kanyang buhay.
Napatawa si Carmelle sa tanong at kaagad sumagot: "Siyempre po 'yung mga fans ko po!"
Maliban sa kulitan at kilig, naantig din ang madlang people sa best wishes ng mga host sa TNT alumna.
"Gusto ko 'yung kakulitan mo na na-discover talaga natin, 'yung highest level sa Bahay ni Kuya. Sana pag-stay-in mo na 'yun forever. Kaya ka naman talaga minamahal ng madlang people," ani Karylle.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
Samantala, silipin ang prettiest photos ni Carmelle Collado sa gallery na ito: