
Kilalang bilang inspirasyon ang aktres at comedienne na si Carmi Martin dahil sa kaniyang ipinapakitang happy life bilang single.
Matatandaang ibinahagi noon ng aktres na talagang pinili niyang mabuhay mag-isa dahil sa kaniyang trauma sa mga dati niyang karelasyon.
Ngunit maraming nagtatanong kung bakit hindi na lang magkaroon si Carmi ng anak, para sa ganoon hindi siya nag-iisa sa buhay.
Sa kaniyang panayam kasama si Ogie Diaz, napag-alaman na meron palang malalim na rason ang aktres kung bakit hindi niya inisip na magkaroon ng kahit isang anak.
Ibinunyag ni Carmi na lumaki siya sa pamilyang mahirap at madalas daw niyang nakikita na nag-aaway ang kaniyang mga magulang dahil sa alcoholic problem ng kaniyang ama.
Sa sobrang sakit at takot na naranasan noon ng aktres, madalas daw napapa-isip siya kung bakit isinilang pa siya ng kaniyang magulang.
Inamin din ni Carmi na dati raw inalok siya ng kaniyang dating kasintahan na magkaroon sila ng anak. Ngunit dahil sa trauma na naranasan niya sa kaniyang pamilya, mas piniling ayawan nito ni Carmi.
Paliwanag niya, "So 'yung sa akin, sa decision ko. Since nakita ko na 'yun (noong childhood ko) at medyo nasa tamang edad na ako n'ung nag-offer sa akin na, 'Gusto mong magkaroon ng anak?' parang I have a choice to say no because I already experience the pain."
Kaugnay sa kaniyang childhood, nakita rin ng aktres na madadamay lang sa gulo ang magiging anak nila, lalo na medyo lumalabo ang kanilang relasyon noon.
"Ayokong makawawa 'yung anak ko kasi alam ko naman for a fact na 'yung relationship n'ung partner ko ay hindi maganda. Pagkatapos idadamay ko pa siya in relationship with my childhood," pahayag ni Carmi.
Maliban dito, inamin ng comedienne na isa rin sa rason ng kaniyang desisyon ang kaniyang pagmamahal sa showbiz.
Aniya, "Secondly, 'yun na iyon parang ang feeling ko sobrang love ko 'yung career ko and 'yung competition kasi is dapat parati kang sexy lalo na noong '80s. Masyadong conscious 'yung mga tao d'un sa figure. "
Hindi rin pinili ni Carmi ang mag-ampon ng bata dahil daw sa malaking commitment na kinakailangan para alagaan ito.
"Masyadong malaking commitment. Parang siguro mas iba 'yung galing talaga sa'yo eh. Kaya hindi ko na-consider 'yun," sabi niya.
Kahit walang sariling pamilya si Carmi, ibinubuhos na lang niya ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang mga alagang aso, o tinatawag niyang "Abebes."
Kuwento niya, "Kasi nga hindi ko na-experience 'yung motherhood na gustong-gusto ko. Para akong naging nanay ng dogs. They kiss me, they love me. Tapos ginagawa kong baby. I sing lullaby before they sleep, ganiyan tulog sa tabi ko."
Masaya rin si Carmi ngayon magturo ng mga bata bilang Sunday school teacher.
Related gallery: The many times Carmi Martin proved she's an immortal goddess