
Bibida sa kanilang first Kapuso series together ang real-life Kapuso couple na sina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi, ang Stories from the Heart: The End Of Us.
Gaganap sina Carmina at Zoren bilang mag-asawa na sinubok ang kanilang pagsasama dahil sa isang pagkakamali.
Sa media conference ng series nitong Miyerkules, December 15, natanong ang dalawa kung nagkaroon na ba ng third party sa mahabang taon nila bilang mag-asawa. Hindi naman naitago ng dalawa na sabihin ang totoong third party sa kanilang relasyon. Ito ay ang mga bisikleta at motorsiklo ni Zoren.
"'Yun 'yung third party namin: bisikleta at motor," ani Zoren.
Dagdag pa ni Carmina, natatakot daw siya tuwing nagmamaneho ng motorsiklo ang asawa.
"Ayoko talaga nagmomotor dahil delikado...Wala akong kalaban-laban sa mistress. Mahal niya [Zoren] e," kwento ni Carmina.
Kwento pa ni Zoren, "Si Mina, hindi siya masaya kasi nerbyosa. Isang tingin sa'kin 'pag naka motorcycle gear, I think it's mental torture 'pag nagmo-motor ako...Wala e, mahilig ako magmotor e."
Paliwanag ni Carmina, may tiwala naman daw siya sa kaniyang mister, pero ang ikinakatakot niya ay ang ibang mga sasakyan sa daan.
"I'm trying my best not to live in fear. Nagdadasal na lang ako,"
"I don't want to stop him. That's his happiness. If hindi siya magiging maligaya, hindi siya magiging masaya sa bahay," aniya.
Pinipilit naman daw niyang unawain si Zoren, pero hindi raw niya talaga mattaanggap na magkaroon ng "mistress."
"I'm trying to understand but I don't think I can accept his mistress," sabi ni Carmina.
Gaya rin daw ng karaniwang mag-asawa, dumadaan din daw sina Carmina at Zoren sa mga maliliit na pagtatalo.
"'Yung buhay mag-asawa maaaring maging perfect, hindi mawawala 'yung pagtatalo, pag-aaway," ani Zoren.
"Hindi mawawala ang bagyo. Dadaan ang isang marriage sa isang bagyo or dalawa or tatlo or apat...'Pag mayroong pagmamahalan kasi 'yung bagyo na 'yun is just a phase," pagpapatuloy niya.
Pero pagkatapos daw ng pagtatalo ay mabilis naman daw nila itong pinaplantsa at maayos na pinag-uusapan.
"Nandoon 'yung respeto and pagmahahalan. Yes, we fight but na iron 'yung mga bagay-bagay. We make sure we talk about it," paliwanag ni Carmina.
Samantala, makakasama naman ng power couple sa kanilang upcoming series ang beauty queen na si Ariella Arida, Johnny Revilla, Karel Marquez, at si Andrew Gan.
Panoorin ang trailer ng Stories from the Heart: The End Of Us dito:
Abangan ang Stories from the Heart: The End Of Us, ngayong December 20, 3:25 ng hapon pagkatapos ng Las Hermanas sa GMA Afternoon Prime.