
Ikinuwento ni Carmina Villarroel ang curfew rules para sa kanyang kambal na anak na sina Mavy at Cassy Legaspi sa ginanap na Sarap, 'Di Ba? Bahay Edition media conference kamakailan.
Ayon kay Carmina sina Mavy at Cassy ay sina Ms. and Mr. Tawad, "12 a.m. talaga ang curfew nila. Pero siyempre si Ms. Tawad, si Mr. Tawad."
Inihalintulad ni Carmina ang sarili sa security guard dahil sa kanyang pagbabantay sa pag-uwi ng kanyang mga anak.
"Ako talaga `yung security guard ng bahay kapag, kunwari, meron silang birthday party na pinupuntahan."
Isa pang nilinaw ni Carmina ay bawal pumasok ng bars ang kanilang mga anak.
"Hindi sila pumupunta sa bars. Bawal sila sa bars.
"Pinapayagan ko lang sila 'pag bahay. Basta mga bahay-bahay lang or restaurant."
Naiintindihan naman umano nina Mavy at Cassy kaya hindi na rin nila ito ginugustong puntahan.
"Huwag niyo na subukang magpaalam dahil alam niyo na kung ano ang sagot ninyo. They understand that. Hindi sila nag-attempt, hindi sila nag-try."
Ayon pa sa Sarap, 'Di Ba? host mabuti na kilala niya ang kaibigan ng kambal kahit na tumatawad sila sa curfew.
"Kilala ko naman kasi mga kaibigan nila. So Cinderella time, 12 hanggang sa tatawad tawad na yan ng mga 12:30, 1, 1:30 ganon."
Ibinuking naman ni Carmina na maagang nakakatulog si Zoren Legaspi dahil alam nitong siya ay maghihintay sa kanilang mga anak.
"'Yung isa sleeping beauty na kasi alam niyang naghihintay ako, e. So, siya mahimbing ang sleep." natatawang kuwento ni Carmina.
Natural lang daw kay Carmina na hindi nakakatulog kapag hindi pa nakakauwi ang pamilya sa bahay.
"Wala naman yatang magulang na kayang matulog na knowing na wala pa yung mga anak sa bahay.
"Hindi ko talaga kaya. Kahit si Zoren, [kapag] may taping, hindi rin ako nakakatulog unless he's home."
Dugtong pa niya, "Ako ang security guard, ako ang bad cop pagdating sa curfew kasi ako yung makulit."
Abangan ang Sarap, 'Di Ba? Bahay Edition simula ngayong July 18, 10:45 a.m.
Sa fresh episodes na ito, makakasama na nina Carmina, Mavy at Cassy si Zoren bilang co-host at direktor ng Bahay Edition.