
Masaya at mahal na mahal umano nina Carmina Villaroel at Zoren Legaspi ang girlfriend at kapwa Sparkle star ng anak nilang si Mavy Legaspi na si Ashley Ortega.
“We love her. Mahal namin siya kasi ang bait, she's very magaan,” sabi ni Carmina sa pagbisita nila ni Zoren sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, March 19.
Sabi naman ni Zoren, “Tito Boy, kasi, ang unang basehan kasi diyaan is as a parent, siyempre kung sino 'yung mahal ng anak mo, dapat mahalin mo din. Kung hindi mo mahal, dapat matutunan mong mahalin kung sino man ang mahal ng anak mo.”
Pagpapatuloy pa ng Hating Kapatid star, kahit sino pa man ang nagpapasaya sa kanilang mga anak, wala silang problema.
Ayon naman kay Carmina, dahil mahal nila ang kanilang mga anak ay may tiwala sila sa kanila para ibigay ang freedom.
“Parang 'That's your decision, okay. Nandito lang kami para suportahan ka.' And we're just very happy na okay silang dalawa ni Ash. Si Ash, malapit sa atin pati kay Cassy so magaan, magaan lang,” sabi ni Carmina.
TINGNAN ANG ILAN SA SWEETEST PHOTOS NINA MAVY AT ASHLEY SA GALLERY NA ITO:
Binanggit din ni King of Talk Boy Abunda ang “hoodie guy” na kasama ni Cassy sa kaniyang Valentine's Day post. Ngunit nang tanungin sina Carmina at Zoren, sinabi ng aktres na mabuting ang anak na lang nila ang tanungin tungkol dito.
Pero paglilinaw niya, “Siyempre, kilala namin kung sino 'yan. Pero parang ano lang naman 'yan, e biglaan lang talaga, hindi siya nakaplano.”
Samantala, ayon kay Zoren ay nakakalito naman talaga ang anak nila dahil bukod sa pagiging girly-girl, barkada rin ito ng mga lalaki.
“Kaya malilito ka, minsan kasama niya sa gan'to, kasama niya si ganiyan. Pero iyan, halata ko 'yung kamay. 'Yung kamay, makikita mo, mahilig mag-work out,” sabi ni Zoren.
Pagdating naman sa pagpapamilya, para kay Zoren, dapat naman talaga ay nakahiwalay sa kaniya ang mga anak. Sabi ng aktor, magkakaroon kasi ng kaniya-kaniyang batas sa sarili nilang mga bahay ang kanilang mga anak oras na magkapamilya na sila, at hindi nila pwedeng pakialaman iyon.
“But kami, nag-ready na kami diyan, may mga lote kaming binili na magkakasama sa isang subdivision, magkakalapit,” sabi ni Zoren.
Pagpapatuloy ni Carmina, “Only kung gusto lang talaga nila mag-settle down du'n. Kumbaga, it's still their choice.”