
Inamin ni Kapuso actress Cassy Legaspi na nawalan siya ng kaibigan matapos ang isang hindi malilimutang karanasan habang nasa ibang bansa.
Sa kaniyang “Deep Truth” statement sa bagong season ng Gandang Gabi Vice, ibinahagi ni Cassy na minsan siyang naospital matapos mahimatay, ngunit hindi siya inalagaan ng dati niyang kaibigang babae.
“Nahimatay ako sa stress and heat,” ani Cassy.
Ayon sa aktres, nangyari ang insidente habang magkasama silang naglalakbay ng kaniyang kaibigan sa ibang bansa.
“So ibig sabihin, kayong magkasamang umalis. Tapos noong may nangyari sa iyo, hindi ka inaalagaan? Bakit daw?” tanong ni Vice Ganda.
“Hindi. Hindi ko rin alam,” sagot ni Cassy.
LOOK: #FriendshipGoals — Celebrities and their circles
Nang malaman ng pamilya ang nangyari, agad na nag-book ng flight si Zoren Legaspi upang samahan ang kaniyang anak.
“Nalaman namin na-ospital, walang nag-aalaga sa kanya dahil solo flight, e. Isa sa mga first time na pinayagan (namin) kahit ayaw namin,” paliwanag ni Zoren.
Pagdating ni Zoren sa ospital, wala na roon ang dating kaibigan ni Cassy.
“Pinauwi niya dahil ayaw niya nang makita,” dagdag ni Zoren.
Sa huli, hindi na rin kinausap ni Cassy ang kaniyang dating kaibigan at pinili na lamang itong i-unfriend.
Ang pagbabahagi ni Cassy ay kasunod ng “Deep Truth” statement ng kaniyang kambal na si Mavy tungkol sa isang direktor na umano'y nagpahiya sa kaniya dahil sa maling akala.
Samantala, mapapanood muli si Cassy sa telebisyon sa nalalapit na GMA series na Whispers From Heaven.
Silipin ang dreamy looks ni Cassy Legaspi sa gallery na ito: