
Malapit nang masaksihan ang iba't ibang talentong ipapamalas ng Pinoy sa pagbubukas ng bagong reality talent show na Catch Me Out Philippines sa February 6.
Bago ang konsepto nito at first time mapapanood sa Pilipinas. Sa game show, magpapakitang gilas ang mga pangkaraniwang tao na may hindi pangkaraniwang talento at mala-professional kung mag-perform.
Pangungunahan ang bagong show na ito ng hasang-hasa na pagdating sa hosting na si Jose Manalo.
Sa kumpetisyon, bibida ang mga kamangha-manghang talento at abilidad ng mga Pilipino pero ang twist, huhulaan ng celebrity spotters kung sino sa mga performer ang amateur at professional.
“Dadaan talaga sila sa training para 'pag sinalang hindi mo sasabihing amateur sila, e. Professional pa rin talaga sila gumalaw. Minsan mas magaling pa nga sumayaw 'yung amateur kaya malilito talaga 'yung mga magdya-judge pati 'yung mga nasa bahay na nanonood,” pahayag ni Jose nang makapanayam ng 24 Oras.
Makakasama ni Jose rito ang resident celebrity spotters na sina Kakai Bautista at Derrick Monasterio na sasamahan pa ng ilang celebrity catchers every week. Sila ang kikilatis sa mga performer at tutukoy kung sino nga ba ang pro at kung sino ang nagpapanggap lamang.
“Kailangan magaling kang tumingin ng mga konting pagkakamali para ma-spot mo. 'Tsaka sobrang nag-e-enjoy ako dito kasi kasama ko si Ate Kakai, Kuya Jose,” ani Derrick.
Ang Catch Me Out Philippines ay orihinal na konsepto mula sa United Kingdom na bibigyan ng Filipino flavor lalo na pagdating sa pagpapakita ng talentong Pinoy.
Samantala, bilang isang celebrity spotter, sinabi ni Kakai na habang tumatagal ay mas lalong nagiging interesado siya kung ano pa ang ipakikita ng amateur performers.
“Habang tumatagal siya maku-curious ka kung ano naman 'yung talent na ipapakita ng amateurs sa susunod pang mga episode,” aniya.
Source: ilovekaye (Instagram), derrickmonasterio (Instagram)
Ang pinakamagaling na magpanggap na isa siyang pro ang mananalo ng P100,000. Pero kahit si Jose na naging audition master na noon ay nahirapan din daw sa pagtukoy sa mga ito.
“Medyo may konti akong nalalaman kung professional o hindi 'yung gumagalaw pero ang gagaling nila. Ito 'yung reality show na after n'yong mapanood, pinag-uusapan n'yo pa,” aniya pa.
Mapapanood ang Catch Me Out Philippines tuwing Sabado ng gabi simula February 6 sa GMA.
Panoorin ang buong 24 Oras report DITO.