
Sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Miyerkules, kinumusta ng batikang TV host ang aktor na si Cedrick Juan matapos siyang tanghaling Best Actor sa 2023 Metro Manila Film Festival.
Kinilala sa Gabi Ng Parangal ng nasabing local film festival noong December 2023 ang mahusay na pagganap ni Cedrick bilang si Padre Jose Burgos sa historical film na GomBurZa.
Kuwento ni Cedrick kay Boy Abunda, maraming management na ang lumalapit sa kanya ngayon.
Aniya, “Sa ngayon Tito Boy, maraming lumalapit na management. Tapos gusto kong maka-meeting talaga sila lahat.
“Gusto kong marinig at maramdaman 'yung genuine thoughts talaga for me kasi I think ganyan din kami nagsimula ng Idea First Company. Naramdaman ko na gusto talaga nila ako dahil nakita talaga nila 'yung potential sa akin.”
Tinanong naman ni Boy si Cedrick kung sinong Kapuso actress ang nais niyang makatrabaho kung sakaling mabigyan siya ng teleserye o pelikula ng GMA.
Sagot naman ni Cedrick, “Actually marami. Pero top of mind…Bianca Umali.”
RELATED GALLERY: Sino ang bagong hirang na MMFF Best Actor na si Cedrick Juan?
Samantala, sa ngayon, wala pa sa isip ni Cedrick ang pagsikat pero masaya umano siya na makilala dahil sa kanyang galing at talento.
“Gusto kong makilala dahil sa craft ko. If ever na dadalhin ako ng craft ko doon (sa kasikatan), siyempre sobrang happy ako na na-a-appreciate ng tao ang craft ko,” ani Cedrick.
Dagdag pa ng aktor, “I think kung papa'no natin pinapapasok ang mga tao, ang madla sa buhay natin, 'yun 'yung ina-allow natin para somehow ma-exploit nila e. Pero ako, I really want to keep my privacy rin and the same time gusto kong makita nila na ang mga artist, tao rin sila.”
Mapapanood naman ang 2023 Metro Manila Film Festival entries hanggang January 14, 2024.