
Aminado ang beteranong actress na si Celia Rodriguez na isa sa mga pinakahinahangaan niyang artista ay ang Superstar na si Nora Aunor. Ayon sa beteranong aktres, ito ay dahil sa galing ng pag-arte ng kapwa niya aktres.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, April 19, tinanong ni Boy Abunda kung nagagandahan at nagagalingan ba siya sa mga artista rito sa Pilipinas. Sagot ng aktres, “Yes, we have beautiful actresses, actors now.”
“Mas marami noon. Well we have Gloria Romero, we have Barbara Perez, we have Charito Solis, Nida Blanca, marami noon,” sabi niya.
Ayon sa dating Queen of Kontrabida na mas pili noon ang mga artista, ngunt nilinaw niyang hindi niya gustong makainsulto sa mga bagong artista ngayon.
“Noon kasi, pili ang artista. Not insulting kasi ang dami kong love na mga bago, pero mas pili noon,” aniya.
TINGNAN ANG ILAN SA MGA PINAKABAGONG KAPUSO KONTRABIDA SA GALLERY NA ITO:
Dito na nabanggit ni Miss Celia na pagdating sa acting, si Nora Aunor, o kilala rin bilang si Ate Guy, ang pinakahinahangaan niya. Kuwento pa niya, minsan may nagtanong kung papaano niya ikukumpara ang huli at si Vilma Santos.
Ang naging sagot ni Miss Celia, “When it comes to depth, 'yung lalim, 'yung hugot, walang dadaig kay Nora Aunor.”
Paliwanag ni Miss Celia, “Iba ang hugot ni Nora Aunor e. I mean, she's the only one I know na kahit nakatalikod, nag-a-acting 'yung mata, nag-a-acting 'yung likod niya.”
Pagpapatuloy niya, noong ginawa niya ang pelikulang Bulaklak ng City Jail kasama sina Nora, Gina Alajar, Perla Bautista, Maya Valdez, Zenaida Amador, at Maritess Gutierrez, sinabihan niyang 'wag silang gagalaw sa oras ng kaniyang eksena.
Natanong din sa kaniya ni Tito Boy kung ano ang lessons mula sa mga direktor na nakatrabaho niya ang natutunan niya. Ayon kay Miss Celia, “It's more of a body language. Not necessarily dialogue.”
“And Guy is an expert on that. It takes a lot of experience and good directors to learn that. Mata lang, no dialogue,” sabi niya.