
Marami nang nagbago sa buhay ng 10-year-old ukulele player from Obando, Bulacan na si Oxy nang sumali siya sa GMA singing competition na Centerstage.
Si Oxy ang ika-apat at huling grand finalist ng programa.
Sa isang Q & A video, bahagi niya, "Simula noong sumali po ako sa Centerstage, first po, nagdagdagan po ang confidence ko at mas lalong na-inspire po ako dahil mas dumami po ang natatanggap kong suporta sa aking mga kamag-anak, mga kaibigan, sa mga Oxy-natics, Oxy-lievers.
"Second po, dahil sa mga practice ko po, mas na-improve ko pa po ang aking talento at nakapag-explore po ako ng mga bagong technique para sa aking pagkanta."
Sa murang edad, natutunan ni Oxy na maging positibo sa buhay kaya naman tiwala siyang siya ang magwawagi sa Centerstage.
"Sa bawat sinasalihan ko pong mga kompetisyon, bilin po sa 'kin nila mama at papa na laging positive ang iniisip at pinaghahandaan din ito nang mabuti."
Alam ni Oxy na magagaling ang kanyang makakatunggali sa grand finals.
Gayunpaman, ginagawa na lang niyang inspirasyon ang kanyang kapwa grand finalists na sina Rain Barquin, Colline Salazar, at Vianna Ricafranca na kanyang mga idolo rin.
"Alam ko pong magiging mahirap ang laban na 'to dahil magaling din po sila Kuya Rain, Ate Colline, at Ate Vianna.
"Idol ko rin po sila pero gagawin ko po ang aking makakaya at gagawin ko po ang best ko para manalo po ako as grand champion."
Kung hindi man papalaring manalo, tatanggapin daw ito ni Oxy nang maluwag sa kanyang kalooban.
Sabi niya, "Natutunan ko po na ang kahalagahan ng sportsmanship sa aking mga magulang at sa aking mga guro.
"Kailangan po matuto tayong tumanggap ng ating pagkatalo. Hindi naman po masamang matalo dahil do'n po tayo natututo at higit sa lahat mag-enjoy."
Panoorin:
Ang Centerstage ay pinangungunahan ni Alden Richards, kasama ang side stage host na si Betong Sumaya.
Ang mga huradong kikiatis sa talento ng grand finalists ay sina Concert Queen and media icon Pops Fernandez, Kapuso vocal powerhouse and West End singer Aicelle Santos, at renowned musical director Mel Villena.
Mapapanood ang 'Grand Finale Showdown' ng Centerstage sa Linggo, May 30, bago ang Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA.