
Matagal nang problema sa Pilipinas ang katiwalian sa gobyerno at ayon kay Cesar Montano, matagal na itong kinukunsinti ng mga Pilipino.
Sa pagbisita ni Cesar, sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, September 23, hiningan siya ni King of Talk Boy Abunda ng opinyon tungkol sa pagnanakaw at pandarambong ng mga kontratista at pulitiko sa kaban ng bayan.
“Kuya Boy, matagal na 'yan. Noon pa, meron na 'yan, pero ito 'yung highlight, ito 'yung pinaka highlight na hindi kalunok-lunok na. Siyempre ito 'yung highlight na, e,” sabi ni Cesar.
Pagpapatuloy pa ni Cesar, “Kung meron man masisi 'yan, dapat lahat tayo. Tingnan mo, sa eleksyon na lang, nababayaran ang Pilipino. Hanapin n ýo 'yung mga probinsya natin, minsan compare notes pa, 'Magkano 'yung kinita mo ngayon? Magkano binayad sa'yo?'”
Nilinaw naman ng batikang aktor na hindi niya nilalahat at hindi rin niya sinisisi ang kapwa niya mga Pilipino. Ngunit naging kultura na umano sa bansa ang pagboto at pagpili ng mga opisyal na hindi naman nararapat “dahil lang naibenta natin ang kaluluwa natin, ang ating boto.”
Ayon kay Cesar, kailangan ng bansa ng paghilom at ng panalangin.
“Nasa scripture naman 'yan, e Kuya Boy. Sabi Niya, 'Kung gusto nýong i-heal ko ang land ninyo, you have to humble yourselves and pray and ask.' Kailangan nating gawin 'yun, we have to unite and pray for our country. Hindi natin makukuha sa violence, kailangan, ito, matinding repormasyon, change. Pagbabago talaga,” sabi ng aktor.
BALIKAN ANG PAGDALO NI CESAR SA SCREENING NG REMASTERED NIYANG PELIKULA NA 'JOSE RIZAL' SA GALLERY NA ITO:
Aminado din si Cesar na hindi agad makukuha ang pagbabago sa loob lang ng ilang buwan o taon, “Matagal na nating kinukunsinti 'yan, tino-tolerate 'yan, e.”
Gaya ng ibang celebrities na nagpunta at nakiisa sa mga rally kamakailan lang, galit din umano si Cesar sa nangyayari sa bansa, at sa ginagawa ng ilang public officials.
“Kabataang Makabayan 'yung kapatid ko, ako, nakasama ako sa LFS (League of Filipino Students), tagal na 'kong galit, e. Ngayon, dumating na ako sa nakakaawa na tayo. Talagang magmumura? Oo naman! Ang sarap magmura. But after ng pagmumura natin, ano'ng gagawin natin? Ano'ng meron? Ano ba ang maibubunga niyan. May change ba?” sabi ng aktor.
Panoorin ang panayam kay Cesar dito: