
Minsan nang pinabulaanan ni Chanty Videla na disbanded na ang K-Pop group nila na Lapillus. Ngunit sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, March 18, inamin ng singer-actress na mahirap nang sagutin ang parehong tanong ngayon.
“Well, ang hirap pong sagutin kasi hanggang ngayon po talaga, hindi po kami binibigyan ng update ng company, so hanggang ngayon, we're just literally stagnant and doing our own stuff lang, floating,” pagbabahagi ni Chanty.
Sa ngayon, ang hiling lang umano ng aktres, “Kung ano man po ang maging conclusion ng company at some point, we're just hoping na it's the best for everyone.”
Samantala, ibinahagi rin ni Chanty kung gaano naging mahirap sa kaniya ang pagiging parte ng naturang girl group. Matatandaan na binubuo ang grupo nina Chanty, Shana, Yue, Bessie, Seowon, at Haeun sa ilalim ng MLD Entertainment, na galing sa iba't ibang nasyon.
Sa parehong panayam, ibinahagi ni Chanty na hindi naging madali ang pagiging parte ng grupo lalo na at iyon umano ang unang pagkakataon na nalayo siya sa pamilya.
“It was my first time po being away from my family talaga, and as someone na nasanay na kasama 'yung parents ko, 'yung mga sisters ko, all of a sudden, during pandemic pa 'yun, so I had to live with other people and be managed by strangers talaga,” sabi ni Chanty.
Naging malaking pagsubok din umano sa singer-actress ang pag-adjust niya sa kultura ng Korean at ng kaniyang mga kasamahan, bagay na pinakanahirapan umano siya.
Nang tanungin naman siya ni King of Talk Boy Abunda tungkol sa hindi pagkakasundo ng grupo, sabi ni Chanty, “Luckily, hindi naman kami nag-away ng malala or anything. Pero pinag-uusapan lang po talaga namin. Communication lang po talaga.”