
Alam ng lahat na hindi panghabangbuhay ang pag-aartista. Katunayan, ilan sa mga sikat na aktor at aktres noon ay wala na sa industriya ngayon, at namumuhay na lang bilang mga ordinaryong tao. Isa na dito ang character aktor na si Raul Dillo na kamakailan lang ay nag-viral nang namataan siyang nagtitinda ng longganisa sa kalsada.
Nagulat ang karamihan kamakailan nang mapanood nila ang video ni Raul sa social media sites. Nitong Linggo, kinamusta ng Kapuso Mo, Jessica Soho si Raul.
“Siyempre may pamilya ako at may dalawang anak ako na nag-aaral. Ayaw kong magutom ang pamilya ko. Ano'ng masama kung naghahanapbuhay ako? Marangal ito e. Kailangan ko pong buhayin 'yung pamilya ko,” sabi ni Raul
Kuwento ni Raul ay 8 a.m. pa lang ay naghahanda na siya ng kaniyang mga paninda. Gamit ang tricycle na inayos niya para magkasya siya, ay dinadala niya ito sa mga nag-order sa kaniya, o kaya naman ay hahanap ng puwesto para magtinda sa kalsada.
Kasakasama rin niya ang asawa niyang si Helen sa pagtitinda at paminsan-minsan, ay sinasamahan rin sila ng kanilang anak na si Raul Romeo. Ayon kay Raul, ang kinikita niya ay ginagamit nilang pangtustos sa dalawa nilang anak.
Ngunit pag-amin ng dating aktor, minsan ay kinakapos pa rin sila. “Dahil pina-priority ko po 'yung mga pangunahing pangangailangan ng pamilya ko sa araw-araw, pagkain namin, at 'yung baon nila sa school,” sabi ni Raul.
BALIKAN ANG CELEBRITIES NA INIWAN ANG SHOWBIZ PARA SA BUHAY ABROAD SA GALLERY NA ITO:
Hindi naman na bago umano para kay Raul ang pagtitinda. Aniya, nagsimula siya noon sa pagtitinda ng lugaw at pancit. Bukod sa siya na ang namamalengke, siya pa ang nagluluto ng kanilang paninda.
“Pagkatapos magluto, sinasakay po namin 'yan sa tricycle iikot sa mga kabahay-bahayan,” pagpapatuloy niya.
Ngunit hindi pa rin naging madali ang buhay dahil na-ospital si Raul na maaaring dala ng stress at overfatigue sa kaniyang katawan dahil sa pagtatrabaho. Dahil dito, kinailangan niyang tumigil sa pagtitinda ng lugaw at sa halip ay nagsimulang magtinda ng mga gulay, karne, manok, isda, at baboy.
Pero patuloy pa rin ang dagok sa kaniya ng buhay lalo na nang ma-diagnose siya ng prostate enlargement. Mabuti na lang at may ilang kaibigan siya na handang tumulong. Ang isa sa kanila, pinatira pa siya ng libre sa isang apartment, habang ang isa naman ang tumulong sa kaniya simulan ang kaniyang longganisa business.
“Meron isang kaibigan na nagtitinda ng longganisa. Sabi ko, subukan ko. Sinikap na magtuloy-tuloy para ang may pantawid sa pamilya,” sabi niya.
Aniya, naging libangan na lang niya ang pagkuha ng video habang nagtitinda, at sinabing hindi niya inasahan na dadami ang views nito.
“Dumami po 'yung customer ko dahil bini-video ko 'yung aking pagtitinda,” paglalahad pa ng dating aktor.
Ngunit kahit marangal ang ginagawa niya ngayon ay marami pa rin umanong nangmamaliit sa kaniya. Pag-alala ni Raul, “'Dating sikat na artista, tingnan mo naman ang buhay, nagta-tricycle na lang, nagtitinda na lang ng kung anu-ano.'”
Aminado ang dating aktor na nasaktan siya sa mga natatanggap na pangungutya. Kwento pa niya, wala rin siyang naipundar na kahit ano noong nag-aartista pa siya. Aniya, hindi kagaya ng mga bida, ay hindi naman siya binibigyan ng prayoridad para sa bagong projects.
“Ang katulad kong character lamang e kumbaga 'pag meron lang po talagang project na naaayon po ang aming character,” sabi ng dating aktor. Ngunit paglilinaw ni Raul, “Wala po akong hinanakit.”
Sa ngayon ay patuloy lang si Raul at ang kaniyang pamilya sa buhay nila na malayo sa spotlight. Tuloy lang din ang pagtitinda niya ng longganisa at paghahanap buhay para sa kanila.
Panoorin ang buong segment ng KMJS dito: