
Ipinagdiriwang ng longest-running comedy gag show na Bubble Gang ang kanilang ika-30 anibersaryo ngayong taon. At sa hinaba-haba ng programa sa ere, at ng listahan ng naging cast nito, ano-ano na nga ba ang natutunan ng ValeenChaGa trio na sina Chariz Solomon, Valeen Montenegro, at Lovely Abella sa show?
Sa pagbisita nila sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, October 15, tinanong ni King of Talk Boy Abunda kung ano ang isang leksyon na natutunan nila mula sa pagiging bahagi ng naturang comedy gag show.
Pagbabahagi ni Lovely, doon niya natutunan ang tunay na professionalism. Aniya, “Parang kapag oras na ng script reading namin, kailangan ibigay mo 'yung atensyon mo du'n sa ginagawa namin.”
Disiplina naman ang nakuha ni Valeen mula sa pagiging parte ng Bubble Gang. Pagbabahagi ng soon-to-be mom, malaking kaibahan ang pagiging disiplinado mula sa pagpapatawa na ginagawa nila.
“Nagpapatawa ka, but it's the discipline in you na kailangan seryoso ka talaga na magpatawa,” sabi ni Valeen.
TINGNAN ANG PRIME STARS NA MAGIGING PANAUHAN SA 30TH ANNIVERSARY SPECIAL NG 'BUBBLE GANG' SA GALLERY NA ITO:
Samantala, pinuri naman ng batikang host ang pagkapanalo ni Chariz, at ng kapwa ka-Bubble nito na si Paolo Contis, bilang Best Comedy Actress at Actor sa ika-37 PMPC Star Awards for Television.
Ani Boy, “I was just so proud of you and Pao.”
Pinasalamatan naman siya ni Chariz na sinabing “big win” ang pagkapanalo nilang iyon para sa kaniya.
“Thank you, Tito Boy. Salamat po. Talagang big win talaga siya for me kasi nga grabe na ngayon 'yung panahon, e. Pahirap na po nang pahirap,” sabi ni Chariz.
Panoorin ang panayam kina Chariz, Valeen, at Lovely dito: