
Pinag-usapan online ang fangirl moment ni Charlie Fleming sa aktor na si Donny Pangilinan.
Sa ilang videos sa Facebook, makikitang kilig na kilig si Charlie nung personal niyang nakaharap si Donny sa afterparty ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa Sparkle star, inilahad niya ang reaksyon niya sa pagkikita nila ng kaniyang celebrity crush.
Ayon kay Charlie, “Hindi ko in-expect na makikita ko siya. Nakita ko siya after Big Night sa afterparty, kinuha ako ni Kuya Robi [Domingo] and he brought me to Donny [Pangilinan] and I just shouted. Sobrang na-shock ako kasi he's been somebody that I am looking up to sa industry since 2020…”
Kasunod nito, ibinahagi niya na napatunayan niya ang paglalarawan ni Shuvee Etrata kay Donny.
“Nakita ko na talaga 'yung total na sinasabi ni Ate Shuvee [Etrata] na TDH [Tall, Dark, and Handsome]. I found it,” sabi niya.
Dagdag pa ng Sparkle star, “Nung nayakap ko siya, sumakses si Ate Girl. Sobrang tangkad and ang pogi niya. He's super amazing. I want to work with him soon.”
Samantala, sa Big Night ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, itinanghal na Third Big Placer si Charlie at ang kanyang final duo na si Esnyr.
Nakilala ang dalawa sa teleserye ng totoong buhay ng mga sikat bilang Bubbly Breadteener ng Cagayan De Oro at Son-sation Viral Beshie ng Davao Del Sur.
Matatandaang si Charlie ay na-evict sa programa kasama ang kanyang former duo na si Kira Balinger kaya't hindi niya naabutan noon ang pagbisita ni Donny sa iconic house.
Kasunod ng mga sorpresa at twists, nagkaroon siya ng pagkakataon na makabalik sa Bahay Ni Kuya sa pamamagitan ng The Big Comeback.
Related gallery: Meet Charlie Fleming