
Nakisaya ang cast ng The Secrets of Hotel 88 sa “Laro Laro Pick” segment ng noontime variety show na It's Showtime kamakailan.
Isa sa fun moments sa naturang segment ay ang naging sagot ng Kapuso actor na si Vince Maristela nang tanungin niya kung sino'ng letter C ang host ng programang MMK o Maalaala Mo Kaya.
"Cory Vidanes," sagot ni Vince.
Mali ang naging sagot ng aktor dahil ang veteran actress na si Charo Santos-Concio ay ang host ng nasabing programa. Si Cory Vidanes naman ay ang Chief Operating Officer ng ABS-CBN.
"Ms. Annette, oh! Si Vince oh, play time. Play time ka!" hirit ng Unkabogable Star na si Vice Ganda.
Nang tanungin ni Vice Ganda si Vince kung may nais ba siyang sabihin kay Charo, ani ng aktor, "Hello po, Ma'am Charo. Nanonood po ako ng MMK. Nanonood po ako no'n."
Sa Instagram, ibinahagi ni Charo ang video clip kung saan mapapanood ang naging sagot ni Vince at nagbigay siya ng kanyang reaksyon.
"Hi Vince, please go to my office," sulat niya sa video na mayroong kasamang laughing emojis.
Comment naman ni Vince sa post, "Pwede po ba magpasama kay Ms. @annettegozonvaldes?" Si Atty. Annette Gozon-Valdes ay ang GMA Senior Vice President for Programming, Talent Management, Legal, Human Resources, Worldwide, and Support Group, and President and CEO ng GMA Films.
Samantala, kabilang si Vince Maristela sa upcoming GMA Afternoon Prime series na Delivery Boi, na pagbibidahan ng Sparkle actor na si Will Ashley.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
Related gallery: Vince Maristela's hottest photos