
Ipinakilala na sa publiko ang bagong Kapuso child actor na si Heath Jornales, na hindi lang talento sa acting ang taglay dahil magaling din siya sa martial arts.
Eleven years old pa lang Heath pero nahasa na ang moves at husay niya sa martial arts, taekwondo, jiu-jitsu, at kick boxing.
Ito ay dahil sa ilang taon na niyang pag-eensayo sa martial arts gym na pagmamay-ari ng kanyang ama at fight instructor na si Michael Roy Jornales.
“Nag-start po ako mag-training nu'ng six years old po ako. Nakikisali na po kasi ako sa training ni Daddy,” sabi ni Heath.
Ayon kay Roy, bata pa lang umano si Heath ay nakitaan niya na ito ng interes sa naturang sport.
“At first, sumasama siya sa akin kapag nagtuturo ako ng martial arts, 'tapos nanonod siya.
"And then, makikita mo sa side nagsisipa na siya ng konti tapos ginagaya niya 'yung mga moves,” aniya.
Hindi na bago kay Heath ang limelight dahil ilang beses na rin siyang napanood sa commercials.
Bukod dito, artista rin ang tatay niyang si Roy sa mga action-packed series tulad ng Beautiful Justice at Encantadia.
Dagdag pa ni Heath, “Na-excite po ako kasi gusto ko rin po maging artista.”
LOOK: Heath Jornales, artistahing anak ni 'Encantadia' actor Michael Roy Jornales
Naniniwala naman si Michael Roy na magiging masaya ang anak niya sa career na napili nito.
“Alam ko pong napakagandang opportunity 'to para kay Heath at tsaka mahal naman niya ang acting talaga. Nakikita ko 'yon kapag nagsu-shoot siya ng commercials,” dagdag pa niya.
Samantala, dahil sa COVID-19 pandemic, si Heath na ang katuwang ng daddy niya sa pagbuo ng martial arts online lesson para sa mga batang nagte-training sa martial arts gym ni Michael Roy.
GMA Artist Center kids join the #PassTheBrushChallenge