
Ibinahagi ni Kapuso child star Yuan “Paopao” Francisco ang kanyang payo para sa mga young entrepreneur kagaya niya.
Sa eksklusibong panayam ni Paopao sa GMA Network, dapat daw ay matuto sila kung papaano maghawak ng isang negosyo at marunong mag-budget.
Aniya, “Matuto po kayo kung paano po i-handle yung negosyo.
“Mag-budget po kayo kasi mahirap nga po ang buhay lalo na po ngayong nagkaroon ng pandemic."
Dagdag pa niya, “Huwag po tayo mawalan ng pag-asa. Mag-pray lang po tayo kay Papa God.”
Noong Hunyo, ibinahagi ni Paopao na isa na siyang young entrepreneur na nagmamay-ari ng isang retail shop na nagbebenta ng motorcycle helmets at safety gears.
Ang pangalan ng kanilang family business ay “Helmet ni Paopao” at ang kanyang mga magulang ang nakaisip na magnegosyo sila ng helmets.
Kuwento ng aktor, “Yung una po, nag-oonline po kami. Bumibili po kami ng konting helmet tapos naubos po agad.
“Tapos ayun po, nagdire-diretso na po hanggang sa nagkaroon na po kami ng physical store.”
Sa murang edad, nakakaya ni Paopao na i-balanse ang kanyang pag-aaral at pagnenegosyo.
“Pagkatapos ko po na mag-online school, tapos ko na po yung mga homework ko, kapag may free time po ako, tumutulong po ako sa business namin.
“Tinitignan ko po kung meron pa po kaming stock ng helmet para makapag-restock po ulit kami ng mga helmet na bago,” pagbabahagi ng aktor.
Dahil dito, natuto din si Paopao kung paano humawak at mag-alaga ng kanilang negosyo.
Mas nakilala si Yuan “Paopao” Francisco nang mapanood siya sa GMA-7 shows gaya na lamang ng Encantadia (2016), Impostora (2017), at Victor Magtanggol (2018).
Samantala, tignan ang iba pang celebrities na nagsimula ng kani-kanilang negosyo ngayong pandemya sa gallery na ito: