
Ipinagdiwang ng Filipino singer-songwriter na si Chito Miranda ang kaarawan ng kaniyang minamahal na asawang si Neri Naig noong Lunes, Setyembre 7.
Sa pamamagitan ng isang sweet at heartfelt na Facebook post, ipinahatid ni Chito ang kaniyang pagmamahal kay Neri sa espesyal na araw nito.
“Happy Birthday, Ms. Neri,” pagbati ni Chito. “Alam ko naman na alam mo kung gaano kita kamahal,” dugtong pa niya.
Ipinahayag din niya ang kaniyang labis na appreciation sa asawa, na aniya'y nagpapasaya sa kaniya tuwing nakikita itong masaya.
“As long as masaya ka, masaya ako... and kahit hindi mo birthday, gusto ko masaya ka palagi,” pahayag ng singer.
Binigyang-diin din ni Chito ang magagandang katangian ni Neri bilang asawa at ina na kaniyang labis na pinahahalagahan.
“Sobrang naa-appreciate ko at sine-celebrate ko talaga kung gaano ka kabait, ka-sweet, kakulit, ka-thoughtful, ka-considerate, kasimple, kababaw, kalambing, ka-forgiving, katatag, katibay, kalabaw, at kung gaano mo kami kamahal ng mga anak mo,” paglalarawan niya.
May pabirong hirit pa ang singer: “Siningit ko lang 'yung 'kalabaw' para i-check kung binasa mo ba talaga lahat ng mga katangian na naa-appreciate ko sa 'yo.”
Muling ipinahayag ni Chito ang kaniyang pagmamahal at kung gaano siya kasuwerte sa pagkakaroon ng partner tulad ni Neri. “Anyway, gusto ko lang naman mag-happy birthday, at ipaalala sa 'yo kung gaano kita kamahal, kung gaano ako ka-swerte, at kung gaano kasarap sa dibdib 'yung thought na makakasama kita sa buhay hanggang sa pagtanda.”
Tinapos niya ang kaniyang mensahe sa isang matamis na pahayag: “I love you! Happy Birthday!”
Sina Chito Miranda at Neri Naig ay ikinasal noong Disyembre 2014. Sila ay mayroong tatlong anak na sina Pia, Miggy, at Cash.
Related Gallery: Neri Naig cleared of all cases, according to Chito Miranda