
Marami ang humahanga ngayon sa ginawang pagtulong ni Chito Miranda, kasama ang Parokya ni Edgar bandmate na si Gab Chee Kee, sa isang tatay na nagba-busking para suportahan ang pangarap ng anak na nasa medical school.
Sa Facebook, ikinuwento ni Neri Miranda na nasa UP Diliman noong Biyernes, March 20, ang asawang si Chito para ipasyal ang kanilang anak na si Miggy nang may makita itong isang tatay na nagba-busking.
"Nasa UP sila Chito kahapon para igala si Miggy tapos may nagba-busking daw na tatay para raw sa anak nyang nagme-med school," sulat ni Neri.
Dagdag niya, tinawagan ni Chito ang kabanda na si Gab para tulungan ang busker, na nakilalang si Leo Santos.
"Kaya tinawagan daw nya si Gabriel para tulungan yung tatay... game naman si Gab kaya pumunta sa UP Diliman agad. Thank you, Dad and Gab!"
Base sa nakasulat sa placard ng busker na si Leo Santos, nagba-busking siya para sa pangarap ng anak na maging doktor, na ngayon ay nasa second year na sa medical school.
"Ang solid ni Sir Chito. Lumapit sya habang nagba-busking ako, gusto nya raw tumulong sa pamamagitan ng pagkanta nya ng ilan nilang kanta. I'm so honored, we are so blessed. Angas!" sulat ni Leo Santos sa Facebook.
Related gallery: The many times Chito Miranda showed he's a family man