
Bago ang kanyang inaabangan na kauna-unahang fan concert sa Manila, una nang nagpakilig sa noontime show na It's Showtime ang Korean actor na si Choi Jin-hyuk.
Bumisita ang Miss Night and Day actor na si Choi Jin-hyuk sa It's Showtime ngayong Biyernes (November 8) kung saan masaya niyang binati ang lahat ng "What's up, Madlang People!"
Mainit din siyang binati ng It's Showtime hosts at hindi rin napigilang mag-fan girl ni Amy Perez kung saan, aniya, napanood niya ang ilang shows ng Korean actor tulad ng Miss Night and Day at Zombie Detective.
Pinakilig at pinahanga ni Choi Jin-hyuk ang lahat ng kantahin ang iconic song ni Kim Bum-soo na "I Miss You," theme song ng hit Korean series na Stairway to Heaven.
Hindi ito ang unang beses na nakarating sa Pilipinas si Choi Jin-hyuk dahil nakapunta na rin siya noon sa bansa kung saan ikinuwento niya na naglaro siya ng golf. Pero, ito ang unang beses na magkakaroon siya ng fan concert sa Manila para makasama ang kanyang Pinoy fans.
Kabilang ang Manila sa kanyang "2024 Fan-Con Tour in Asia: Day and Night," na nagsimula sa Tokyo, Japan noong October 12.
Gaganapin ang unang fan concert ni Choi Jin-hyuk sa Manila ngayong Sabado, November 9 sa New Frontier Theater.
Ayon kay Choi Jin-hyuk, bukod sa games, marami rin siyang inihandang awitin para sa Pinoy fans sa kanyang fan concert. Maaari pang bumili ng tickets ang fans sa TicketNet.com.ph.
MAS KILALANIN SI CHOI JIN-HYUK SA GALLERY NA ITO: