
Isang early birthday gift ang nakuha ni iBilib host Chris Tiu nang makita niyang muli ang tumayong “foster parents” niya noong estudyante pa lang.
Kamakailan lang ay bumisita ang fans ng award-winning host na ChrisTiunatics sa set ng iBilib bara batiin ito ng advance happy birthday. Magdiriwang kasi si Chris ng kaniyang kaarawan sa July 15.
Sa pagbisita ng kaniyang fans, kasama nila sina Tatay Nestor Factoriza na 60 years old, at asawa nitong si Nanay Therry Factoriza, 57 years old, na nagmula pa sa Sta. Rosa Laguna. Sila ang naging foster parents ng atleta at host nang sumailalim siya sa isang immersion program noong estudyante pa lang siya ng Ateneo de Manila University noong 2005.
Mga miyembro noon sina Tatay Nestor at Nanay Therry ng mga samahan ng mangingisda na “Anak ng Dagat.” Nakipag-coordinate ang Ateneo sa naturang samahan para sa kanilang immersion.
Dahil si Chris na lang ang walang “foster parent” noong mga panahon na 'yun, napunta siya kay Tatay Nestor na Barangay Chairman noon ng Brgy. Caingin.
BALIKAN ANG BEAUTIFUL FAMILY NI CHRIS TIU THROUGH THE YEARS SA GALLERY NA ITO:
Kuwento nina Tatay Nestor at Nanay Therry, ilan sa mga ginawa noon ni Chris ay mag-igib, mag-alaga ng mga anak nila, at ang isang hindi nila inaasahan na gagawin nito, ang maghugas ng pinggan.
Matapos ang immersion ay hindi nawala ang komunikasyon ni Chris sa kanyang “foster parents” at nang minsang tinamaan ng bagyo kung saan nandoon sina Tatay Nestor at Nanay Therry, kinontact agad sila ni Chris at agad itong nagbigay ng tulong para sa kanila.
Hindi man sila nawalan ng komunikasyon sa isa't isa, ito ang unang pagkakataon na nakita uli ni Chris sina Tatay Nestor at Nanay Therry matapos ang mahabang panahon. Kaya naman, tunay na happy ang birthday ni ni Chris.