
Viral ngayon ang nakatutuwang parody ng content creator na si Christian Antolin sa Batis ng Katotohanan ng GMA superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Marami ang naaliw sa skit ni Christian nang "sampalin" siya ng katotohanan ng Batis sa kanyang tanong.
Kuwento niya sa Batis ng Katotohanan, "Mayroon kasi akong nakakausap, heart siya ng heart sa mga My Day ko. Madalas kaming magka-chat, para kaming mag-jowa pero wala naman kaming label. Ganoon 'yong mga usapan namin. Gustong-gusto ko kasi siya. Hindi lang malinaw sa akin ang lahat."
Kaya naman tinanong niya ang Batis ng Katotohanan kung gusto rin kaya siya ng taong ito? At isang mapanakit na sagot ang natanggap ni Antolin: "Hindi po, Ate."
Kasalukuyang mayroong 5.4 million views sa Facebook ang parody na ito ni Christian Antolin sa Batis ng Katotohanan. Umani rin ito ng libo-libong nakatutuwang reaksyon mula sa netizens.
Sa Sang'gre, ang Batis ng Katotohanan ay isang mahiwagang batis na pinangangalagaan ng nilalang na tinatawag na "Mukha" at nagwiwika ng pawang katotohanan. Sa pambihirang pagkakataon na magsinungaling ito, ang tubig nito ay nababawasan.
RELATED GALLERY: Meet the powerful cast of 'Encantadia Chronicles: Sang'gre'