
Mahigit 20 taon na sina Christian Bautista at Mark Bautista sa industriya, mula sa pagsali sa singing contests hanggang sa pagkakaroon ng kanilang sariling concerts. Ngunit pag-amin ng dalawang singer-actor, minsan na rin nilang naisip lisanin ang show business.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, February 18, ibinahagi ni Mark na nangyari ito para sa kanya noong nawala na ang dating Sunday variety show na Party Pilipinas sa GMA.
“During that time na natanggal 'yung variety show ng GMA na Party Pilipinas, and then feeling ko parang 'Shocks, saan ako pupunta?' Kakaalis ko lang ata sa ABS nu'n so pumunta ako ng US, nag-aral ako, Tito Boy,” sabi ni Mark.
Pagpapatuloy pa niya, naisipan niyang mag-explore muna sa New York at mag-aral doon. Ngunit napagtanto umano ni Mark na hindi niya kayang iwan ang show business.
“At saka iba kapag nandu'n ka na sa ibang lugar o ibang bansa, parang iba 'yung experience mo kapag nasa Pinas,” sabi ni Mark.
Nagkaroon din umano ng punto sa buhay ni Christian na naisip niyang lisanin ang show business ngunit pag-amin niya, hindi na niya maalala ang rason. Ngunit dahil din dito ay nasulat niya ang awitin niyang “Kapit.”
“It was about that experience, parang it was either a burnout or parang 'What else?' or parang 'What's next?' It happens to all of us, to most of us, pero when we remember our core, the talents that God gave us, the connections with our audience, talagang it keeps you going,” sabi ni Christian.
KILALANIN ANG ILANG CELEBRITIES NA INIWAN NA ANG SHOWBIZ PARA SA MAS SIMPLENG BUHAY ABROAD SA GALLERY NA ITO:
Samantala, ngayong mas dumarami na ang batang singers sa industriya, maituturing na, ayon kay Boy, bilang young seniors sina Christian at Mark. Kaya naman, tanong ng batikang host, “Do you get the same respect from the younger singers?”
“I hope so. Some people call us 'Sir,' some people call us 'Kuya,' pero ang lagi naming ginagawa sa AOS is kung ano 'yung tinuro sa amin ng mga idol namin, sina Sir Gary, Sir Ogie, Sir Martin, 'yun din 'yung tinuturo namin. We're also very kind and gracious sa lessons that we learned,” sabi ni Christian.
Dagdag pa ni Mark, “Kasi sila naman, open din sila na parang nagtatanong sa amin or something, and then we're open din to share."