
Espesyal ang victory song ng The Clash Season 3 grand champion na si Jessica Villarubin dahil ang nag-compose nito ay ang isa sa mga hurado na si Christian Bautista.
Posted by Christian Bautista on Monday, December 21, 2020
"Ako Naman" ang titulo ng nasabing kanta na inawit ni Jessica matapos ideklarang panalo kontra kay Jennie Gabriel, na binansagang "Birit Babe ng Makati."
Swak ang victory song para sa "Power Cebuana Diva" na isang first-timer sa TV contest.
Aniya, marami siyang ni-risk para makarating ng Maynila para makasali sa The Clash.
Sambit niya sa panayam ng 24 Oras, "Matagal ko pong pinangarap 'to. Masaya rin po ako na maraming tumulong sa 'kin financially po kasi hirap din po kami."
Si Jessica ay bunso sa siyam na magkakapatid at tanging siya lang ang nakapagtapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng pagkanta.
Sambit pa niya, "Kailangan ko pong kumanta nang kumanta para may pang-tuition po ako na ibabayad ko sa school.
"Kailangan ko pong makatipid para makapagtapos po ako ng pag-aaral para matustusan ko po 'yung pangangailangan ng pamilya ko."
Bilang grand champion, nakatanggap ng four million pesos worth of prizes si Jessica. Kabilang diyan ang exclusive management contract sa GMA-7, PhP1 million in cash, bagong kotse, at house and lot.
Ani Jessica, ang kanyang napalanunan ay gagamitin niya sa pagpapaaral sa mga anak ng kanyang mga kapatid at pagpapatayo ng negosyo para sa kanyang pamilya.
Samantala, ang final four finalists naman na sina Jennie Gabriel, Renz Robosa, Sheemee Buenaobra, at Fritzie Magpoc ay nag-uwi ng PhP100,000 bilang consolation prize.
Magbubukas muli ng bagong season ang The Clash sa 2021.