
Mula sa pagiging choir members ng isang simbahan sa Pagbilao, Quezon, lumalaban naman ngayon sa singing competition na The Voice Generations ang grupong Fources.
Bahagi ang Fources ng Team Bilib, ang grupo ng talents na binuo ng international performer na si Coach Billy Crawford.
Ang Fources ay binubuo ng singers mula sa Quezon na sina Thomas Atunaza, Angelo Laurence, Nikki Labasan, Jobert Zulueta, Jhon Anderson Adan, at ang pinakabata sa grupo na si Dylan Genicera.
Kuwento ng grupo, apat lamang ang miyembro nila noon kung kaya't tinawag silang Fources.
Bukod sa pagiging choir members, umaawit din daw sila noon sa mga kasalan, ngunit madalas ay maliit na talent fee lamang ang kanilang nakukuha. Sa kabila nito, masaya pa rin silang makapag-perform sa harap ng maraming tao. Sa katunayan, minsan na rin silang naimbitahan sa isang concert, at ito na raw ang isa sa hindi nila malilimutang performance.
Pagbabahagi ni Thomas, “Isa sa memorable na gig po namin is noong na-invite kami na mag-handle ng concert sa Buenavista, Quezon. Nakuha namin 'yung crowd na sumasabay sila sa pag-awit namin. Isa 'yun sa highlight ng pagiging Fources namin.”
Sa kanilang pagsali sa The Voice Generations, inawit nila sa blind auditions ang kantang “Alapaap.” Dito ay napaikot nila si Coach Billy, at sila ang nagsilbing pinakaunang grupo sa Team Bilib.
Pagdating sa Sing-Off round, muling pinatunayan ng Fources na karapat-dapat sila sa kanilang puwesto sa nasabing singing competition sa pamamagitan ng pag-perform ng awiting “Iris.”
Sa naturang emotional performance ng grupo, hindi lamang ang kanilang coach na si Billy ang napatayo at napapalakpak kung 'di maging si Coach Stell.
Komento ni Billy sa kanila, “Good job to them. Wala akong masyadong ginawa, wala akong masyadong sinabi sa kanila. I love this group because they are so real at saka gusto lang talaga nilang magpakilala sa buong mundo. I am so proud of you. Congratulations.”
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Billy na excited siya para sa susunod na performances ng Fources.
Aniya, “Alam mo sila yung isa sa pinakakabagong teammate ko but they did so well and I'm just so excited kung ano pa 'yung susunod nilang gagawin kasi ang galing nila talaga.”
Dagdag pa niya, “'Yung baby girl ko na si Dylan, doon sa Fources na 'yan, ay sobrang lakas. She's my strength para sa grupo na 'yan.”
Mensahe pa ni Billy sa pagkakapasok ng Fources sa susunod na round ng kompetisyon, “They work really hard that's why they sound like that and so pure kaya sobra akong happy talaga. Happy ako that they delivered, they executed that song in particular because it's a very heartfelt song and happy ako na nagpakilala finally ang Fources sa buong Pilipinas.”
Ang The Voice Generations ay ang newest spin-off ng biggest singing competition sa mundo na The Voice mula sa ITV Studios.
Napapanood ito for the first time hindi lamang sa Pilipinas kung 'di pati na rin sa buong Asya via GMA Network.
Tutukan ang The Voice Generations tuwing Linggo, 7:35 p.m. pagkatapos ng BBLGANG.