
Itinuturing ni Chynna Ortaleza na "pinakamasalimuot at masakit na taon ng buhay ko" ang taong 2019.
Sa kanyang Instagram post ngayon, December 29, ibinahagi ng Idol sa Kusina host ang mga pagsubok na pinagdaanan niya ngayong taon.
Sa umpisa ang binanggit ni Chynna ang mga pagbabago sa kanyang katawan matapos ipanganak ang kanyang ikalawang anak na si Baby Salem.
Aniya, "Katotohanan lang. Maitim na ang kili kili ko, hindi na maayos ang kurba ng bewang ko. May stretch marks pa na regalo si Nukie Mamon."
LOOK: Chynna Ortaleza welcomes Baby Salem!
Hindi pa rito natapos ang pagsubok sa kanya ngaong taon dahil dalawang buwan matapos manganak ay nagbalik-ospital siya, "Ipinanganak ko naman ang gallbladder ko. RIP sakanya. Hindi niya na kinaya."
Patuloy niya, "Ubod ng sakit nun. OA. Sabi ko nga manganganak na lang ako ng 20 times kesa maramdaman ang sakit ng Chronic Cholecystitis. Sana wag niyo siyang maranasan!"
Gayunman, hindi naman nagpatinag ang Kapuso actress-TV host. Sa halip, aniya, "Mas nararamdaman ko ang lakas ko ngayon. Hindi lang bilang babae. Bilang TAO.
"Buhay na buhay ako at nagpapasalamat na araw araw ay may panibagong gising."
Sa huli, sabi ni Chynna tungkol sa kanyang mga naranasan ngayong 2019, "I am bombarded yet I stand. Thank you Lord sa buong 2019.
"Pinakamasalimuot at masakit na taon ng buhay ko. Isa rin sa pinakamaganda para sa kaluluwa ko."