
Isang viral video na nagpapakita ng isang babae na dinukutan ang isang mamimili sa loob ng grocery ang naging simula ng mas malalim na talakayan sa Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA).
Higit pa sa mismong insidente, tinalakay ng mga host at legal experts ang mahalagang tanong: nag-iiba ba ang parusa depende sa halaga ng ninakaw?
“Wala bang pagkakaiba kung ang ninakaw ay limang piso o isandaang piso?” tanong ni Boy Abunda sa mga legal experts.
“May pagkakaiba po ang parusa depende sa halaga ng ninakaw po ninyo,” paliwanag ni Atty. Jackie Gan. “Dahil ang gusto ng batas ay maging makatarungan at maging proporsyonal po 'yung penalty sa krimen na ginawa. Ibig sabihin, dapat kasabay ng bigat ng parusa ang bigat ng krimen.”
Nagbigay pa ng halimbawa si Atty. Gan upang ipaliwanag ang pagiging proporsyonal ng batas. Kung ang ninakaw na pitaka ay may lamang PhP300, maaaring makulong ang magnanakaw ng isa hanggang 30 araw, depende sa desisyon ng korte. “Pero kung ang wallet ay branded o mamahalin, tapos may laman na 5 million pesos -- maaari nang mapatawan 'yan ng pagkakakulong hanggang 20 years,” dagdag pa niya.
Muling nagtanong si Tito Boy kung magkakaroon pa rin ba ng kaso kung sakaling naibalik ang ninakaw na gamit o pera.
“Yes. May kaso pa rin kahit pa naibalik o hindi man nagamit nung nagnakaw 'yung pera o wallet na nakuha niya,” paliwanag ni Atty. Marian Cayetano, na sinabing itinuturing nang consummated theft o ganap na pagnanakaw sa oras na nakuha na ng magnanakaw ang bagay na hindi kanya.
Inugnay naman ni Tito Boy ang usapin sa patuloy na isyu ng korapsyon sa bansa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-unawa sa batas, kahit sa mga tila simpleng kaso, dahil ang kaalaman tungkol sa pananagutan ay nakatutulong sa pagpapanatili ng katapatan at integridad, lalo na sa kasalukuyang panahon.
Naitanong din niya, “Kung mapatunayang may pagnanakaw ng pondo ng bayan, may kaibahan ba ang parusa kung ang ninakaw ay halimbawa, 20 million, at 5 billion?”
“Ang plunder po ay isang krimen na may very specific threshold. 50 million above -- that's plunder,” paliwanag ni Atty. Mark Demova.
Sa kabuuan, ipinaalala ng CIA with BA na gaano man kaliit o kalaki ang halagang ninakaw--limang piso man o limang bilyon--ang pagnanakaw ay mananatiling krimen. Ang tunay na hustisya ay nagsisimula sa pag-unawa at pagpapanagot sa bawat maling gawain.
Ang CIA with BA, na pinangungunahan ng magkapatid na sina Sen. Alan at Pia Cayetano kasama si Abunda, ay mapapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.