
Matapos ibunyag ng transwoman beauty queen na si Lars Pacheco ang totoong dahilan ng hiwalayan nila ni Clyde Vivas, ngayon ay agad namang bumwelta si Clyde sa kaniyang mga pahayag.
Sa panayam kasama si Ogie Diaz, ipinagtanggol nito ang sarili matapos masabihan ni Lars na tamad ito at walang pangarap sa buhay.
“Ang gusto ko doon i-correct is parang hindi daw ako nag-grow. Hindi daw ako nangarap, which is mali. Sabi ko lahat ng tao, may pangarap,” paglinaw ni Clyde.
Dagdag pa niya, “Gusto ko mag-artista. Ang dami kong gustong gawin. Gusto kong maging singer.”
Ipinaliwanag ni Clyde na hindi pa nito nagagawan ng aksyon ang kaniyang pangarap dahil inuuna niya si Lars.
“Kasi iniisip kita, kailangan mo ako 'e. Inuuna kita 'e. Siya talaga 'yung priority ko. Mas gusto ko, siya muna 'yung umangat sa aming dalawa. Kahit nandito lang muna ako,” aniya. “Hindi naman ako naging pabigat sa kaniya. Never ako nanghingi sa kaniya.”
Ikinuwento rin ni Clyde na lagi itong nasa tabi ni Lars lalo na sa pagsama niya sa mga beauty pageant at pinagda-drive pa niya ito kahit sa malalayong lugar na minsan ay inaabot ng pitong oras.
Nilinaw din ng content creator ang pahayag ni Lars patungkol sa hindi niya pag-ambag ng mga desisyon sa kanilang relasyon.
“Never ako nagdesisyon sa aming dalawa kasi hindi niya ako pinapakinggan e,” sabi nito.
Pagkatapos mapakinggan ang mga pahayag ni Lars, inamin naman ni Clyde na mayroon din itong natutunan sa loob ng pitong taon nilang relasyon.
“Magkakaroon na ako ng boses, plano at desisyon sa buhay. Aral na 'yun para sa akin,” sabi nito. “Kailangan may sariling pangarap at huwag kalimutan ang pamilya.”
Noong August, ibinahagi ni Lars ang kanilang breakup at umamin ito sa kaniyang cheating issue na naging dahilan ng kanilang hiwalayan.
Panoorin ang buong panayam ni Clyde Vivas dito:
Samantala, kilalanin dito si Clyde Vivas: