
Sasabak na muli sa dance floor si Dance Trend Master Coach Jay bilang isa sa mga dance authority ng Stars on the Floor 2026.
Sa panayam ni Coach Jay sa GMANetwork.com, ibinahagi niyang hindi pa rin siya makapaniwala na muli siyang mapapabilang sa number one Saturday show kaya't taos-puso ang kanyang pasasalamat sa pagbabalik bilang dance authority.
“Parang ang pakiramdam ko is nagpasalamat ako. Sa season 1 kasi, ang daming nangyari pero noong natapos siya bigla, parang ang bilis kasi parang ang dami ko pang gustong i-improve rin sa sarili ko as a judge, sa harap ng camera,” sabi ni Coach Jay.
Inamin din ng dancer-choreographer na mas magpupursigi siya sa season 2 upang mas maging epektibong judge.
“Kumbaga noong nagkaroon ng season 2, sabi ko ito 'yung time na ano pa 'yung pwede kong i-improve mula noong season 1. So, sobrang na-ano ako, hindi malayo 'yung agwat e sa season 2, so buti na lang,” paliwanag niya.
Ikinuwento rin ni Coach Jay na hindi pa rin nawawala ang excitement na naramdaman niya noong nagdaang Season 1.
“'Yung feeling nandoon pa rin e kumbaga hindi pa siya tapos. 'Yung season 1 na parang climax, 'yung nag-grand champion, nag-grand finals then biglang nag-season 2 kumbaga in the zone pa rin 'yung feeling ko sa Stars on the Floor, so nagpapasalamat ako na na-invite ako ulit dito,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, “Maraming salamat sa lahat ng tiwala na binibigay sa akin at sana magampanan ko nang maayos.”
Makakasama muli ni Coach Jay sina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera at ang panibagong dance authority na si King of the Dance Floor Rayver Cruz.
Nagbabalik din bilang host si Asia's Multimedia Star Alden Richards.
Kilala rin si Coach Jay bilang choreographer ng P-pop group na SB19. Ilan sa mga pinasikat niyang choreography ay mula sa mga kantang “Moonlight,” “Dungka,” at “DAM.”
RELATED GALLERY: Meet Coach Jay, the dance genius behind the moves of P-pop kings SB19