
Isa si Chrish Ann, na kilala bilang si Forda Ferson, sa mga sumisikat na content creators ngayon sa bansa.
Si Forda ang latest guest ni Toni Gonzaga sa kanyang vlog na Toni Talks at dito ay marami silang napagkuwentuhan tungkol sa personal na buhay ng una.
Isa sa mga topic nila ay ang tungkol sa isyu na nag-trending sa social media kamakailan lang na kinasangkutan ni Forda at ng TikTok content creator na si Jen Oliveros.
Naging emosyonal ang una habang ibinabahagi ang kanyang naramdaman noong isiniwalat umano ni Jen sa publiko ang tungkol sa kanyang mental health problem.
Pahayag ni Forda, “Nagkausap naman po kami before… Ang lagi ko pong tanong ay bakit hindi pa kayo tapos? Kasi po ako, never po akong nagparinig sa social media. Never ko pong pinublic ang lahat ng problema namin. Dumating po sa point na pati po 'yung pinakakahinaan ko, ipinublic niya. Doon po ako sobrang nasaktan kasi sobra ko po siyang pinagkatiwalaan.”
“Sa kanya pa po nanggaling lahat, pinublic niya 'yung mga bagay na hindi dapat which is 'yung mental health problem ko po na never, never ko pong in-open sa social media,” dagdag niya.
Ayon kay Forda, pinili niyang hindi ipaalam sa publiko ang kanyang pinagdadaanan lalo na't kilala siya ng kanyang followers, fans, at iba pang netizens na masayahin at may nakakahawang positive energy.
Kuwento pa niya, “Kasi po ang personality ko, Ate Toni [Gonzaga], masaya lang ako eh. Ayokong malaman nila na sobrang hina ko. Alam na nila 'yung kay Mama, alam na nila 'yung sa harassment, alam na nila 'yung kay Papa, alam na nila 'yung hirap ng buhay namin. Bakit 'yung kaisa-isahan kong itinatago, bakit in-open mo?”
Ayon pa sa content creator, sa kabila ng mga nangyayari sa kanyang paligid, pinili niyang mag-move forward sa pamamagitan ng kanyang solo trips abroad ngunit muling na-trigger ang kanyang mental health problem dahil sa paglabas ng kanyang pinagdadaanan.
“Sobrang saya ko na po kasi nung nakakaraan. Nagta-travel ako, mag-isa ako lagi… Dapat kaya ko, hindi ako dedepende sa iba, tapos nung nilabas niya po 'yung sa mental health problem ko, na-trigger na naman po. Sobrang na-trigger, bumalik lahat. Nandoon na eh… kahit papaano nakakausad-usad na ako, nang ako lang, na walang tulong ng iba tao tapos ayun na naman,” sabi niya.
Dagdag pa ni Forda, “Iyon pa pong pinakatago-tago ko, kasi po every time po na hindi ko po kayang i-handle… nag-a-attempt po ako. Hindi po nila naiintindihan, ang ano (sinasabi) po nila nagpapa-victim. Na-diagnose rin po ako, nagme-meds po ako… napag-try na rin po ako ng parang therapy po, may meds po ako sa anxiety, panic attack.”
Samantala, kamakailan lang ay naging usap-usapan din si Forda sa kanyang makulit at nakakakilig na videos kasama ang Aussie Boy na si Paul “Leon” Sew Hee, ang lalaking nakilala niya sa Japan noong siya ay nag-"boyfriend for hire" content sa kanyang travel vlogs.
Related content: TikTok creators na may milyon-milyong followers online