
Hindi napigilan ng content creator na si Poca ang sobrang kilig habang ikinukuwento ang kanyang experience nang mapasama sa music video ng bagong single ng P-pop Kings SB19 na "Visa."
Sa nasabing music video, isang visa officer ang role ni Poca kung saan siya ang nag-assess sa visa application ng mga aplikante kasama na sina Pablo, Stell, Josh, Ken, at Justin, na sa kabila nang hinarap na matinding proseso ay denied.
Kuwento ni Poca, nag-message sa kanya si Stell sa kanyang social media account para imbitahan na mag-cameo sa "Visa" music video.
Aniya nang tanungin siya ni Stell kung available ba siya sa ganitong araw, kinikilig na sagot ni Poca, "Oo. Actually, may ganap ako ng araw na 'yon, kinansel ko talaga."
Sa set, nakasama ni Poca ang kapwa content creator na si Ninong Ry, na isa naman sa mga miyembro ng banda na sumasayaw at tumutugtog ng trumpet sa music video.
Tuwang-tuwa na ikinuwento ni Poca ang una niyang scene kung saan aniya nagtatatak siya ng passport at nilalagyan ng denied.
"That was literally the hardest part of what I did, 'yung magtatak ng passport kasi kailangan nasa beat. Through drummer naman ako, pero syempre ang dulas-dulas nung passport, na-stamp ko pa 'yung daliri ko, e naka-on lahat ng camera," kuwento niya.
At noong scene na niya kasama ang SB19 members na sina Pablo, Stell, Josh, Ken, at Justin, ipinarating ni Poca ang kilig at paghanga sa P-pop Kings.
Napapatiling sabi ni Poca, "Ang gwapo-gawapo nila... Napakagwapo ni Josh. Kinikilig talaga ako."
Bukod kay Josh ay napasigaw rin aniya siya ng "Ang gwapo ni Pablo," matapos ang eksena sa SB19 leader.
Nagpasalamat din si Poca sa tiwalang ibinigay sa kanya ni Stell, "Love na love ko 'yang si Stell. Parang kami 'yung magkaano ng utak pagdating sa humor namin.
"Everyone was so nice. From the wardrobe, makeup artist, halos lahat kakilala ko roon. Watch now 'Visa' on all of your online streaming platforms. Thank you so much everyone."
Related content: The breakthroughs of Kings of P-pop SB19