
Nagmistulang Santa Claus ang ilang content creators para sa kanilang followers nang regaluhan nila ang mga ito sa pamamagitan ng raffle.
Ang content creator na si Menggay o Anna Camille Naguit ay namimigay ng mamahaling cellphones, habang si Janeth Verner na mula sa Mississippi, USA, nagpapadala ng balikbayan boxes na puno ng groceries.
Sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho noong Linggo, ibinahagi nina Menggay at Janeth ang kanilang mga kuwento at kung bakit nila ito ginagawa.
Laki rin sa hirap si Menggay kaya naman 19 pa lang ay nangibang bansa na ang dalaga para itaguyod ang pamilya at ipagamot ang kapatid na may cancer.
“Bata pa lang ako, gusto ko nang magkaroon ng phone, kaya lang hindi namin afford. Kaya 'yung pinamimigay kong phone, sosyal,” kuwento nito.
Dagdag pa ng dalaga, “May mga nanonood sa akin na mga students kaya 'yun talaga 'yung tinarget ko na bigyan.”
At dahil alam niya ang hirap ng mga estudyante, napili niyang gamitin ang una niyang sahod para bilhan ng school supplies ang mga bata sa eskuwelahan malapit sa kanila. At nang maka-ipon, ay nagsimula siyang magnegosyo at nang makaluwag ay nagsimulang mamigay ng cellhpone sa kaniyang vlog.
“Pinipili ko 'yung mga mananalo through comments and messages na nare-receive namin. Random lang talaga, lahat puwedeng manalo, lahat puwedeng sumali,” kuwento nito.
Dagdag pa niya ay sinusuyod niya talaga ang mga profile ng kaniyang followers para malaman kung sino ang karapat-dapat na manalo.
“As in ini-istalk namin 'yung profile. Unang-unang tinitingnan ko, sa students talaga. Kailangan nila ng phone sa pag-aaral, sa online class nila,” sabi nito.
Kuwento pa niya ay nagse-send pa ng mga grades nila ang mga estudyanteng followers niya, na ikinatuwa naman ni Menggay.
TINGNAN ANG MGA CONTENT CREATORS NA MAY OVER 5M FOLLOWERS SA GALLERY NA ITO:
Samantala, balikbayan boxes naman na pinuno ng Php60,000 worth ng groceries at laruan ang ipinamimigay ni Janeth sa kaniyang followers.
Dahil aktibo sa simbahan, iniisip ni Janeth at ng kaniyang asawa na ito ang kanilang ministry at minsan, ang iba sa mga nailalagay nila sa balikbayan box ay galing pa sa mga donasyon ng kanilang simbahan.
“We seek the Lord and we think na ito po 'yung ministry namin mag-asawa. It's really a joy for us tumulong sa ibang tao,” sabi nito.
Gaya ni Menggay ay laki din sa hirap si Janeth at nagpursiging pumasok at mag-aral dahil may pangarap ito. Nang makapag-abroad ay ibinalik niya ang tulong sa mga kababayan sa pamamagitan ng pagpapa-raffle ng balikbayan boxes.
“To be efficient, andun lahat ng pangalan ng followers namin and by the time na napili na namin kung sino 'yung pinaka active dun,” sabi nito.
Dagdag pa nito, “Nakaka-satisfy sa puso. Athe end of the day, matutulog ka na lang na 'hay Lord, I'm doing my purpose. Nagkaroon kami ng impact sa ibang tao.”
Nagmistulang Santa Claus din ang nagmamay-ari ng ukay-ukay na si Jenelyn Biaga nang magsimula itong mamigay ng kaniyang mga paninda.
“Sa isang buwan, nagbibigay kami ng ilang beses o dalawang beses. Talagang pinagkaguluhan siya ng tao,” sabi nito.
Ayon kay Jenelyn, tatlo hanggang limang piraso lang ang pinapayagan nilang kunin ng mga tao para mabigyan ang lahat ng gustong makakuha.
“Ang sarap mo na mamigay ka ng libre sa mga nangangailangan kaysa ikaw naman 'yung nanghihingi,” sabi nito.
Panoorin ang buong interview nila dito: