
Kaabang-abang ang mga tagpo sa huling linggo ng hit family drama na Cruz vs. Cruz na pinagbibidahan nina Vina Morales, Neil Ryan Sese, at Gladys Reyes.
Bumisita sina Vina, Neil, at Gladys sa Kapuso morning show na Unang Hirit kamakailan at masayang nakapanayam sila nina Lyn Ching at Chef JR Royol tungkol sa kanilang serye.
Ayon sa lead stars, nakakaramdam sila ng sepanx, o separation anxiety, ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng Cruz vs. Cruz.
"Nase-sepanx na nga kami, nararamdaman na namin," ani Vina.
Dagdag ni Neil, "Sa totoo lang, siyempre, 'yun nga sabi ni Ms. Vina na nakaka-sepanx dahil ang tagal naming magkakasama dito sa show tas napamahal na kami sa mga characters namin at saka sa isa't isa dahil sobrang saya talaga nung set namin, para na kaming pamilya dito.
"At the same time, nakaka-excite dahil mapapakita na namin sa mga tao kung ano ang magiging katapusan ng Cruz vs. Cruz."
Sa kabila ng kanilang mabibigat na mga eksena, maganda at masaya ang kanilang samahan off-screen. Ikinuwento naman ni Gladys kung paano ang kanilang masayang bond off-cam.
"It comes out naturally, hindi na namin kailangan umeffort. Kumbaga, nasa tent kami, kumakain, nagse-share ng food tapos kwentuhan," ani Gladys.
Ayon pa kay Vina, kabilang din sa kanilang ginagawa kapag sila'y nagba-bond off-cam ay ang karaoke.
Panoorin ang buong interview nina Vina Morales, Neil Ryan Sese, at Gladys Reyes sa video na ito.
Huwag palampasin ang huling linggo ng Cruz vs. Cruz, Martes hanggang Biyernes, 3:20 p.m., at sa oras na 2:30 p.m. sa Sabado sa GMA Afternoon Prime.
RELATED GALLERY: The cast of 'Cruz vs. Cruz' stuns in blue at the GMA Afternoon Prime Media Day