GMA Logo Eras Tour ticket scam
What's Hot

Dalawang buyers ng Eras Tour concert tickets, na-scam ng mahigit P300,000

By Kristian Eric Javier
Published February 27, 2024 6:32 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Elusive December sun leaves Stockholm in the dark
Dawn fire razes 7 houses in Estancia, Iloilo
Japanese lifestyle brand unveils limited edition 'Evangelion' merch collection

Article Inside Page


Showbiz News

Eras Tour ticket scam


Panawagan ng Scam Watch Pilipinas ay laging sa legit platforms lang bumili ng produkto para maiwasan ang scam.

Excited na ang maraming fans ng singer-songwriter ni Taylor Swift para sa nalalapit niyang Eras Tour concert sa Singapore. Ngunit nagbigay ng paalala ang Scam Watch Pilipinas na bumili lamang ng tickets sa mga legitimate sellers at online ticketing platforms para maiwasang ma-scam.

Kamakailan lang, lumabas ang balita kung saan mahigit 100 umanong Swifties o fans ni Taylor ang na-scam sa pagbili nila ng ticket para sa nasabing concert. Dalawa dito ay sina Marilou at Ana, hindi nila mga tunay na pangalan, na nagbigay ng panayam sa morning show na Unang Hirit.

Sinabi ni Ana na ang binibili niya sanang ticket na worth P80,000 ay regalo sana ng kaniyang asawa dahil alam nitong matagal na siyang fan ng international artist. Ayon pa sa kaniya, narinig niya sa ibang mga bumili ng tickets na umaabot sila ng six hours sa pila para lang makabili ng ticket.

“O kaya po sasali ka sa raffle para magkaroon ka ng entry para maka-purchase po so kahit po may pambili ka po, hindi ka po makakabili basta,” sabi niya.

Si Marilou naman, ang binibili niyang ticket na worth P250,000 ay para sa kaniyang anak at tatlo pa nitong kasama. Nakabili naman na raw sila ng ticket pero malayo sa stageb at dahil graduation naman ng kaniyang anak, gustong bilhan ni Marilou ng ticket para mas malapit sila sa stage.

Nakita umano nila sa social media ang reseller at ayon kina Ana at Marilou ay may mga nagva-vouch naman dito at nagpadala pa ito umano ng ID at nakipag-video call pa kay Ana, habang nakipagkita naman ng personal kay Marilou.

“Sa video call po namin, nagpakita po siya ng usap nila ng ibang artista, may mga influencer, tapos may isa pong politician po na malaki 'yung pangalan,” sabi ni Ana.

Dagdag naman ni Marilou, “Siyempre nung nalaman ko kasi 'yung name niya, nag-background investigate din, which is tama kasi kunyari 'yung parent niya nagtatrabaho sa ganito, totoo, so nagtiwala ako.”

Nagkaroon na rin si Ana ng unang transaction sa seller kaya nagtiwala na rin sila.

TINGNAN ANG CELEBRITIES NA NANOOD NG ERAS TOUR CONCERT NI TAYLOR SWIFT SA GALLERY NA ITO:

Ayon kay Marilou, nalaman lang nila na na-scam sila nang dumating ang araw na matatanggap na dapat nila ang ticket pero walang dumating.

“Sabi niya, something wrong with the ticket master, parang kesyo daw may nagreport na marami siyang ticket, na nagre-resell siya,” sabi niya.

“Tapos na-report daw po siya ng seller ng tickets and na-block daw po ' yung kaniyang bank account, na AMLA (Anti-Money Laundering Act) daw po kaya hindi niya ako ma-refund ng pera,” sabi naman ni Ana.

Ayon sa co-founder at co-lead nge Scam Watch Pilipinas na si Jocel de Guzman, ang tawag sa ginagawa ng scammer ay scalping. Ito ay paraan ng scammer na kumuha ng isang item ng maramihan at ibenta ito sa iba.

Sabi pa niya, nagiging scam na ang isang bagay kapag lumabas na sa hindi tamang proseso ang pagbili nito.

“'Yung ticket ngayon, hindi na siya physical e, it's more of digital na. So dun sa online ticket platform, any platform, pino-protect nila kasi ' yung buyers so may proseso 'yan,” sabi niya.

“Ang problema sa mga scalper, dahil may barcode ' yan, kahit na let's say hindi sila tinakbuhan, nagbigay sila ng mga printout ticket, mataas pa rin ' yung risk na baka hindi tanggapin ' yung barcode kasi hindi naman nakapangalan sa kanila.” pagpapatuloy ni Jocel.

Nagbigay rin ng paalala si Jocel na pagdating sa pagbili, physical or online selling man, ay siguraduhing sa legitimate na platforms ito gagawin.

“'Wag po tayong lumabas sa platform, kahit na gustong-gusto natin, marami pa pong opportunity. 'Yung risk po, napakarami,” sabi niya.

Sa ngayon ay nakalapit na sina Ana, Marilou, at iba pang na-scam ng online seller sa National Bureau of Investigation o NBI. Ayon pa kay Ana, hindi man nila alam kung nasaan ngayon ang seller ay pinapa-check na rin nila ito ngayon sa pulisya.

Ang hiling naman ni Marilou, “Sana ma-refund pa rin naman kasi 'yung mga pinambili namin dun, hard-earned money 'yun e.”

Panoorin ang buong interview nila dito: