
Masayang nakakuwentuhan ng It's Showtime host na si Ryan Bang ang celebrity mom na si Danica Sotto-Pingris sa kanyang recent YouTube vlog.
Kabilang sa mga topic na kanilang napag-usapan ay tungkol kay Danica at sa asawa niyang si Marc Pingris.
Tinanong ni Ryan ang celebrity mom kung paano nito nakilala ang kanyang mister. Ayon kay Danica, nagkakilala sila ni Marc sa isang gym.
“'Yung trainer ko, sabi niya, 'may ipapakilala ako sa'yo' pero hindi niya ipapakilala para i-match kami. Tapos sabi niya, 'yun oh, 'yung nandoon [sa] treadmill.' Sabi niya, 'Hi, I'm Marc.' tapos gumanon lang ako, 'Hello' tapos umalis na ako," aniya.
Kwento pa ni Danica, binigay ng kanyang trainer ang cellphone number niya kay Marc at tumawag ito. Sa pag-uusap daw nila ni Marc noong panahon na iyon, tinanong siya ng una kung okay ba ang kanyang pakiramdam at kung gusto niyang dalhan siya nito ng gamot.
Patuloy niya, “After no'n, gano'n pa rin. Hi, hello, hi hello, hindi siya 'yung agad. Gano'n lang kami nag-meet tapos naging, napadalas na 'yung hangout.”
Sunod naman na tanong ng Korean host ay kung saan nag-propose si Marc kay Danica. Ayon kay Danica, nag-propose si Marc sa labas ng bahay niya.
“Medyo may idea pa ako. Kasama ko 'yung nag-aalaga sa akin, si Ate Angie, tapos nakita ko kinausap siya ni Marc. Tapos nakita kong lumuha siya, tapos sabi ko, 'bakit ka naiyak?' So medyo nagkaka-hint na ako na baka may gagawin 'to,” kwento niya.
Matatandaan na ikinasal sina Marc Pingris at Danica Sotto noong 2007. Biniyayaan ang longtime couple ng tatlong anak na sina Jean-Michael, Anielle Micaela, at Jean Luc.
Related Gallery: The adorable photos of Jean Luc, youngest son of Danica Sotto and Marc Pingris
Si Danica Sotto-Pingris ay ang anak ni veteran actor-host Vic Sotto at seasoned star na si Dina Bonnevie.
Panoorin ang buong vlog ni Ryan Bang sa video na ito.