
Puno ng kilig ang fans at viewers kagabi sa sweet moment nina Armea (Ysabel Ortega) at Daron (Jon Lucas) sa Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Sa epic finale week ng programa, hiningi ng Hara ang kamay ng Mine-a-ve upang mag-isang dibdib. Lalong kinilig ang viewers dahil sa wakas ay magkakatuluyan na ang dalawang umiibig sa isa't isa.
Mas nadagdagan pa ang kilig vibes nang magbahagi rin si Daron ng tribute message online para sa kanyang iniibig.
Sa isang Facebook post, nagbahagi si Jon Lucas ng matamis na mensahe bilang kanyang karakter na Mine-a-ve.
"Sa dami ng lugar na pwede kong puntahan, sa piling mo ko natutong umuwi. Ikaw 'yung naging pahinga ko sa lahat ng laban na tahimik kong dinadala, ang katahimikan sa gitna ng ingay sa ating mundo, at ang tahanang hindi gawa sa pader kundi gawa sa pagmamahal, pag-unawa, at yakap na totoo," aniya.
"Hindi man perpekto ang lahat sa atin, pero sa bawat sandaling magkasama tayo, mas lalo kong naiintindihan na may mga nilalang na hindi lang dumarating para mahalin tayo, may mga nilalang na dumarating para maging TAHANAN natin. At ikaw 'yon para sa'kin.”
Tila rin nagpasalamat si Jon sa naging paglalakbay niya sa superserye at sa walang sawang suporta ng fans.
"on to the next!! IVO LIVE ENCANTADIKS!!!" dagdag niya.
Kasama rin sa post ang ilang snaps ng dalawang stars sa set, pati na ang kanilang sweet scene sa superserye.
Kaagad namang pinusuan ng fans ang naturang post at ibinahagi ang kanilang saya sa happy ending ng kanilang mga paboritong karakter.
Samantala, abangan ang pagtakda sa bagong kinabukasan ng kanilang mundo sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:00 p.m. sa GMA Prime at 9:45 p.m. sa GTV. Mapapanood din ito online via Kapuso Stream sa Facebook at YouTube.
Silipin dito ang sweet moments ng DarMea sa gallery na ito: