
Mula sa pagiging isang palaboy na namamalimos at walang makain, malaking milestone ang naabot ng isang estudyanteng nagtapos sa isang prehisteryosong unibersidad.
Five years old pa lang si Eugene Dela Cruz nang magkahiwalay ang kaniyang mga magulang. Tumira siya noon sa kaniyang tatay ngunit pinalayas din siya nito nang makatungtong ng highschool matapos umamin sa tunay na kasarian.
Aniya, nanlilimos lang siya noon ng pera para lang mabuhay sa kalye.
“Kapag sinuswerte po ako, makakakuha po ako ng PhP25 in a day. 'Pag ganu'n po, bumibili po ako ng kanin tapos pinapasabawan ko lang po sa mga paresan. 'Yun na po 'yung ulam for for the day, on a lucky day. Pero kapag minamalas naman po, minsan piso, minsan wala,” pagbabalik-tanaw ni Eugene sa panayam ni Nico Waje para sa Saksi, na umere noong Lunes, June 23.
Wala ring permanenteng tulugan si Eugene, kaya naman natutulog na lang siya kung saan abutan ng gabi.
“Kapag umuulan po, natutulog po ako madalas sa mga empty jeepneys, ganu'n, or sa mga saradong malls, sa labas po ng saradong malls, and kapag maayos ang panahaon, minsan sa kalye lang po, sa mga foot bridge, or sa mga station ng LRT,” sabi ng binata.
Dahil kailangan kumayod, napilitan si Eugene na huminto sa pag-aaral para lang maka-survive sa araw-araw.
Sa tulong ng mga nagmamalasakit at naniniwala sa kaniya, gaya ng mga guro, iginapang niya ang kaniyang pag-aaral at nakatungtong sa Grade 7 sa edad na 16. Para matustusan ang sarili, nag-tutor si Eugene ng ibang estudyante, at naging choreographer sa mga festival dance.
Hindi naman nasayang ang tiwala sa kaniya ng kaniyang mga guro at ng mga taong tumulong sa kaniya dahil nagtapos siya ng high school ng may highest honors. Nakapasa rin si Eugene sa malalaking colleges at universities, pero pinili niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Ateneo de Manila University nang makakuha siya ng scholarship dito.
Matapos ang lahat ng kaniyang paghihirap at pagsubok na pinagdaanan, nitong Sabado, June 21, ay nagtapos si Eugene with Honorable Mention sa kursong Bachelor of Arts in Economics with specialization in Financial Economics at Minor in Decision Science.
TINGNAN ANG CELEBRITY GRADUATES NGAYONG 2025 SA GALLERY NA ITO:
Naging viral online ang inspiring success story ni Eugene.
“Dati wala kang matulugan, wala kang makain, 'di ka makaligo, and now, parang all of those, meron ka na e. So ngayon ka pa ba susuko?” sabi ni Eugene.
Sa huli, payo ni Eugene sa mga kagaya niyang may mga pinagdadaanan din sa buhay, "[What] I can assure them is that as long as there are people po believing in them, supporting them, and loving them, they are bound to do great things."