
Matapang na ibinahagi ng dating child actor na si BJ Forbes o mas kilala noon bilang si Tolits sa Eat Bulaga ang kondisyon ngayon ng kaniyang tatlong taong gulang na anak na si Janella na may seizure disorder.
Kamakailan ay naimbitahan si BJ sa segment na “Bawal Judgmental” ng nasabing noontime show kung saan tampok ang mga child star noon na may mga anak na ngayon.
Dito ay sinabi ni BJ na isa pa lamang ang kaniyang anak dahil natatakot pa silang sundan ito dahil sa kalagayan ng bata.
Aniya, “Sa ngayon medyo mahirap dahil 'yung aking baby e, na-stroke po. Mayroon siyang sakit ngayon seizure disorder kaya medyo nag-aalangan pa po na sundan.”
Ayon kay BJ, isang taong gulang pa lamang si Janella nang ito ay ma-stroke dahil sa labis na seizure.
Kuwento niya, “Nag-seizure po siya bigla, then dahil sobrang tagal niyang nagsi-seizure, sinaksakan po siya ng anti-seizure sa ospital pero hindi pa rin po tumigil 'yung pag-seizure niya so nawalan po siya ng oxygen 'yung utak kaya po siya na-stroke.”
Hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy kung ano ang dahilan ng matinding seizure noon ng kaniyang anak at kinakailangan pa silang sumalang muli sa iba't ibang test.
“Kung ano po 'yung dahilan ng pagkaka-seizure niya, hanggang ngayon inaalam pa rin po namin, nagpapa-genetic test pa po kami and iba pang mga test.
“Sa ngayon po kasi wala pa pong makapagbigay it's a case to case basis po talaga depende po sa bata pero sa ngayon po kahit sobrang konti lang po 'yung nakikitang improvement masaya na rin po kasi kasama po namin si baby, hindi siya kinuha sa amin at inspirasyon sa buhay ko para maging mas malakas pa sa araw-araw 'yun po ang importante,” ani BJ.
Nagpapasalamat naman ang dating young actor sa kaniyang asawa na tumutulong sa kaniya at nagpapalakas ng kaniyang loob upang sabay nilang malagpasan ang pagsubok na ito sa kanilang pamilya.
Aniya, “Napaka-blessed ko lang din po na binigyan po ako ng isang strong na misis so give and take lang po kasi hindi po sa lahat ng pagkakataon ay malakas tayo e, so hindi lang puwedeng magsabay na pareho kaming mahina sa sitwasyon so hatakan din pataas, para magakaroon kami ng lakas ng loob. Siyempre dasal din po, napaka-importante na humingi tayo lagi ng lakas ng loob sa Diyos.”
Saad pa ni BJ, hindi naman niya pinapangarap na maging artista rin ang kaniyang anak, pero bilang isang ama ay susuportahan niya ito kung ano man gustuhin nito.
“Hindi ko siya panagarap na maging child star. Sa akin kung ano ang gusto niya basta masaya siya, basta ako gagawin ko ang lahat ng kaya ko bilang isang ama kung ano man ang gustuhin niya,” sabi ni BJ.
Hiling lamang ng dating young actor ang dasal para sa agarang paggaling ng kaniyang anak.
“Hopefully samahan niyo po kami sa prayers na umayos na po si baby. Sa akin kahit konting improvement lang, makita niya lang ang ganda ng mundo, ma-appreciate niya lang, makilala niya po kami, okay na po sa akin 'yun, masaya na po ako,” anang aktor.
Tumutok sa Eat Bulaga, Lunes hanggang Biyernes, 12 p.m.; at tuwing Sabado, 11:30 a.m. sa GMA.
Bisitahin din ang GMANetwork.com at ang social media accounts ng Eat Bulaga para sa iba pang updates.
SILIPIN ANG BUHAY NGAYON NI BJ TOLITS SA GALLERY NA ITO: