GMA Logo kapuso mo jessica soho
Source: gmapublicaffairs/YT
What's Hot

Dating palaboy, may negosyo at kotse na dahil sa pag-iipon!

Published January 2, 2024 4:11 PM PHT

Around GMA

Around GMA

24 Oras Weekend Express: December 21, 2025 [HD]
Farm to Table: (December 21, 2025) LIVE
Content creator Arshie Larga reveals his biggest investment in 2025

Article Inside Page


Showbiz News

kapuso mo jessica soho


Importanteng tip para sa mga gustong mag-ipon: "Number one talaga, unahin mong disiplinahin 'yung sarili mo."

Sa pagpasok ng bagong taon, marami sa mga Pilipino ang nagsimula na ng kanilang New Year's resolutions at isa sa madalas na makikita dito ay mag-ipon. Pero paano nga ba nakatutulong ang pag-iipon?

Ang isang dating palaboy, dahil sa pag-iipon, meron na ngayong sariling negosyo at bagong kotse.

Sa Kapuso Mo, Jessica Soho nitong Linggo, December 31, ikinuwento ng dating palaboy at laki noon sa hirap na si Angelito Pascual ang kanyang karanasan.

Nagsimula siya noon magtrabaho bilang tindero sa palengke, hardinero, at construction worker. Ikinasal siya noong 22 years old sa kaniyang kasintahan at tumira sila noon sa kulungan ng baboy.

“Nagkakaintindihan naman po kami, kumbaga, alam naman po niya 'yung buhay namin, pero hindi ako pumayag sa sarili ko na hanggang dun lang kami,” kuwento ni Angelito.

Kahit walang pinag-aralan ay hindi sumuko si Mang Angelito at nag-ipon hanggang maging sapat na ito para simulang ang buy and sell ng mga antigong gamit.

“Dito po, ang mga binebenta namin, mga surplus lang, mga nakukuha namin sa mga demolish, mga kahoy, yero, bakal,” pagbabahagi niya.

Sa pag-iipon, nakapagpundar na siya ng sarili nilang bahay at lupa, karinderya, at drilling at surplus shop. Ngunit kahit may negosyo na, patuloy pa rin sa pag-iipon si Mang Angelito.

“Ayoko lang maranasan nila 'yung naranasan ko na sobrang hirap, na talagang mahirap kami nung araw. Hindi naman sa lahat ng panahon may trabaho e. Dumating man 'yung panahon na mawalan ako ng trabaho, kahit papaano, meron ka na rin hawak na konting pera,” sabi niya.

Ngayon, ang huling binili niya ay ang bago niyang kotse na worth PhP900,000 na nabili niya matapos mag-ipon ng pandagdag sa nauna na niyang ipon.

“Inisip ko, mahirap bilhin agad kasi medyo malaking halaga. 'Yung malaki, lahat 'yun nagmula sa maliit. Kahit sabihin mong hindi kalakihan 'yung naipon ko pero dun din nabili 'yun [kotse] dahil 'yung 'yung naging pampuno ko, pandagdag ko, 'yung inipon ko na 'yun,” kuwento niya.

Ayon kay Mang Angelito ay nag-ipon siya sa dalawang malaking transparent na alkansya dahil ayon sa kaniya, mas nacha-challenge siyang mag-ipon pag nakikitang kaunti pa lang ang laman.

Nagbigay naman ng munting paalala si Mang Angelito sa mga balak mag-ipon ngayong taon, “Number one talaga, unahin mong disiplinahin 'yung sarili mo kasi hindi pwede 'yung gagawin mo ngayon tapos bukas, hindi na. 'Pag sinabi mong gagawin ko 'to, talagang paninidigan mong gagawin mo 'yun.”

Ngunit hindi lang naman sa alkansya pwede mag-ipon ang mga tao dahil maaari ring ideposito ito sa bangko, itago sa lumang wallet, o kaya naman, isuksok sa loob ng pinto.

Ganito mismo ang ginawa ng mag-asawang Jomar at Cherry Torres na nag-iipon para sa laruang sasakyan para sa kanilang anak.

“'Pag pumapasyal kami ng mall, may makikita siyang kotse, 'yung hinuhulugan ng coins. Parang gustong-gusto niya lagi dun na sumakay kaya balak sana naming mag-asawa, bibilhan namin siya nung de-remote control na pwede niyang sakyan,” sabi ni Jomar.

Kuwento niya, bago pa man sila nakalipat sa tinutuluyan nilang bahay ay wala nang pinto ang isa sa mga kwarto nila. Kaya naman, naisip nilang pagawan ng pinto. Sa maliit na butas siya naghuhulog ng mga barya at tig-PhP20 para maka-ipon; at kahit ang anak nila, nakikihulog na rin.

“Nakikita ng anak ko na naghuhulog ako dun tapos gusto niya, siya na rin,” kuwento ni Jomar.

Dagdag naman ni Cherry, “'Pag minsan may naka-kalat na coins sa higaan, kukunin niya po, idederetso po agad dun.”

Ayon kay Jomar, nakuha niya ang paraan ng pag-iipon sa kakaibang lalagyan sa kaniyang ama.

Pagbabahagi niya, “Nung nangailangan kami ng pera, sinama ako ng papa ko sa jeep namin. Ang akala ko kung ano'ng gagawin namin, 'yun pala nagpatulong lang siya nakunin 'yung ipon niya sa tubo ng jeep namin.”

Hindi pa sana gustong kunin nila Jomar ang naipon nila sa pinto ngunit nang makita na nilang bumibigay at nasisira na ito ay pinili na nilang kunin ang naipong barya.

“Kaya hindi pa namin binibilang gawa ng para sa December pa sana 'to, para sa birthday ni Xia. Balak pa po namin siya dagdagan. Baka po kasi magalaw namin siya kaya inilipat na lang muna namin siya,” sabi niya.

Si Junreyl Escarpe naman, sa kawayang alkansya nagsubi ng mga sampung pisong barya at para hindi magalaw o manakaw, ay itinago sa ilalim ng lababo at sinemento.

“Biglang pumasok sa isip ko na 'ilalim ng lababo na lang kaya, misis? Kasi kung halimbawa man may manloob sa bahay natin, hindi nila alam na may alkansyang kawayan na binaon ko doon,” kuwento niya.

Dahil naglabas na ng bagong barya ang Bangko Sentral ng Pilipinas at sa takot na baka hindi na nila magamit ang naipon ay kinuha na nila ito sa kanilang taguan at binilang.

“Nagulat kami, umabot pala ng ganun. Bumili kami ng videoke, amplifier, tapos mga speaker kasi hilig ng mga anak ko kumanta e,” sabi niya.

Sang-ayon naman ang financial advisor na si Tyrone Charles Solee na sa pag-iipon, ngunit ibinahagi rin niya kung gaano ka-importante ang matutunan ang disiplina sa paggastos.

Panoorin ang buong segment ng Kapuso Mo, Jessica Soho rito:

Samantala, narito naman ang karanasan ni Niño Muhlach sa tamang paghawak ng pera: