
Naging bukas ang stand-up comedian at dating Survivor Philippines: Celebrity Showdown castaway na si Pretty Trizsa sa panayam niya sa vlog ni Ogie Diaz. Ibinahagi niya kung paano sinira ng droga at bisyo ang kaniyang buhay.
Sa naturang vlog ng talent manager noong October 17, ikinuwento ni Trizsa ang mga nangyari kung paano siya nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Saad ng comedian, “E siyempre, hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat, Papa Ogs, may bisyo ako, droga. Tapos after nung droga, naging mas malala pa, sugal. Tapos may depression, anxiety problems.
“Kasi nga parang hindi pa ako kuntento sa sarili ko. Sa ginagawa ko, sabi ko, 'Bakit parang hindi ako masaya?'
“Nagpapasaya ako ng tao pero bakit hindi ako masaya. So, subconsciously nag-resort ako sa drugs.”
Ibinahagi rin niya ang naging epekto sa kaniyang katawan ng shabu na 'tila nagbibigay sa kaniya ng energy.
Pahayag ni Pretty Trizsa,“Yung saying namin ni Mariel Rodriguez na: an idle mind is the playground of the devil.
“Siguro idle ako nun, idle ako nun. Nag-drugs ako dati, natikman ko. Tapos sabi ko, 'Ay, ang gulo-gulo ng kuwarto ko. Ang gulo-gulo ng bahay', gusto ko linisin.
“Kasi pagkatapos ng set gusto ko nang matulog kaagad. Tapos ang ginagawa ko, hindi ka puwede matulog nagme-makeup. So, ang gagawin ko, 'Ay, pampa-energy', kekeme (magdo-droga) muna ako.
“Tapos tatanggalin ko 'yung makeup ko. Ayusin ko 'yung kuwarto ko, ayusin ko gamit ko, parang ganiyang-ganiyan. Parang magbigay ng energy.”
Dagdag niya, “So mataas pa 'yung energy level namin nun. Kasi ang gising namin alas singko. Kaya ang gagawin ko mado-droga ako after set, Gising ako nun hanggang alas nuwebe, alas diyes. Aantukin ako one o'clock, e, may set.
“Ayun na, doon na dumadating 'yung mga struggles ko mag-a-abensent ako, Male-late ako, doon na masisira 'yung pangalan ko.”
Inamin din nito sa eclusive interview ni Ogie Diaz na dahil sa droga ay natanggal siya sa trabaho bilang performer sa comedy bars, dahil naging pabaya na siya.
Pagbabalik-tanaw ni Trizsa, “Dahil sa absenteeism, sa tardiness, mga ganiyan. Tsaka, natanggal ako dahil, mero'n akong kinuhaan ng downpayment, pero hindi ako sumipot.
“Nung pagkakuha ko ng downpayment sinabi ko sa entertainment manager namin, 'Ay! Ang sakit ng ulo ko. Nilalagnat ako. Puwede bang umuwi?' e may pera ako, nakakuha ako ng downpayment para sa show. Diretso na sa kemehan, sa tsutsihan.
“E 'di tsumutsi ako (gumagamit ng droga), habang nag-tsutsi, pagkatapos tsumutsi, eto na, sugal na ang trip.” pagpapatuloy niya, “Maya-maya wala na 'yung downpayment, e, may partner ako. Sabi ko, 'ay nakuha ko na 'yung downpayment. Sige, ibibigay ko na lang sa'yo mamaya'
“E, natalo pati 'yung downpayment niya. Tsismis sa buong comedy bar.”
Malaki rin dagok para sa pamilya ni Pretty Trizsa ang pagkalulong niya sa droga at umabot daw sa punto, hindi siya pinapasok sa bahay ng kaniyang mga ate para turuan daw siya ng leksyon.
Saad niya, “Kasi itong sila ate, gusto akong matuto ng leksyon. Pagkatapos ng pangalawa kong rehab sinarado na 'yung bahay na tinitirahan ko.
“Nung sinarado na, kinuha nila ako ng kuwarto for the meantime. 'Yung kuwartong 'yun babayaran nila one to two months, tapos ako na. Para maging independent daw ako.
“Hindi ko nakayanang bayaran. Kaya pinabayaan nila ako, 'ay, wala kang trabaho', pinabigyan ka namin ng two months para magtrabaho ka,
“Sa hindi nila binayaran, kasi gusto nila ako matuto. So, pinaalis ako.”
Inalala rin niya ang panahon na naging palaboy-laboy siya sa kalsada.
“Una kong tinulugan, sa tapat ng PNB na bangko sa amin sa may G. Tuazon, doon ako natulog, kasi may CCTV. Para kapag natulog ako doon, alam ko kung may mangyari sa aking masama, 'di ba?” ani Trizsa
“May CCTV, ganyan. Doon 'yung una kong natulugan. Tapos, sa isang fast food ganiyan, ang dami kong dalang damit.”
“Kung saan-saan ako nagpunta, kung saan ako kumatok, e, siyempre kahit 'yung mga bahay ng ate ko. Kinatok ko 'yan, pero siyempre, para matuto ako, ekis.”
Sa huli, na-realize ni Pretty Trizsa na para sa ikabubuti niya ang ginawa ng kaniyang mga kapatid.
Paliwanag niya, “Nagalit ako siyempre, 'di ba. Pero, after ng rehab, itong 3rd rehab ko, na-realize ko na, 'ay, hindi pala ganun', para sa akin pala 'yun. Para matuto ako na ginawa nila 'yun kahit masakit sa kanila, parang tough love.”
Panoorin ang buong panayam ni Pretty Trizsa sa video below.
ALAMIN ANG BUHAY NGAYON NG MGA DATING SURVIVOR PHILIPPINES CONTESTANTS DITO: