
Kahit ano man ang pagawang stunt, walang inuurungan ang Pambansang Ginoo na si David Licauco.
Papuri ng Maging SIno Ka Man director na si Enzo Williams sa aktor, walang angal si David pasakayin man sa ibabaw ng umaandar na container truck, at mag-harness at lumambitin sa lubid.
"Mahirap mag-action, we all know that, but David is one of the most persistent actors na nakatrabaho ko lalo na sa action. So I had to earn his trust for him to be doing whatever he's doing," bahagi ni Direk Enzo sa media conference ng Maging Sino Ka Man noong August 31 sa Meridian Hall, Luxent Hotel sa Quezon City.
Maging ang mga batikang action star na kasama ni David sa serye ay hanga sa Pambansang Ginoo.
Para kina ER Ejercito at Jeric Raval, susunod na Rudy Fernandez o Ace Vergel si David.
Pahayag ni Jeric, "Nakikita ko naman kay David, acting-wise, nakita ko 'yung trailer, I believe he'll go places although hindi pa kami nagkakatrabaho at mahahasa pa 'yan kung masusundan pa ng mga action serye.
"Baka malinya n'ya 'yon gaya ng sinabi ni Gov kanina, s'ya 'yung susunod na Rudy Fernandez, Ace Vergel. Nakikita ko naman sa kanya 'yon."
Sa 40 years na experience ni ex-Governor ER sa paggawa ng action, aware siya na hindi ito madali kaya challenge daw ito para kay David.
"Iba na ang fight scenes ngayon, tamaan talaga, suntukan, sipaan. Tinatamaan talaga, sacrifice. So palagay ko kaya naman ni David 'yan," ani ER.
Biro niyang dagdag, "At meron na s'yang pambayad sa ospital kung saka-sakaling itakbo s'ya ng ambulansya."
Marami pa raw sugat na matatamo si David kung sakaling gusto niyang ipagpatuloy ang paggawa ng action projects.
Patuloy ni ER, "Hindi mo maaalis ang aksidente 'pag action star ka. Kami ni Pareng Jeric, marami na kaming stunts na talagang battle scarred na kami. 40 years in this industry, kailangan magkasugat s'ya at marami ka pang sugat na makukuha para maging tunay na magaling na action star. Challenge 'yan David, ah."
Ang Maging Sino Ka Man ay isang special limited series na hango sa 1991 film na may parehong pamagat.
Ipapalabas ito mula Lunes hanggang Biyernes, simula September 11, sa GMA Telebabad.