
Nag-e-enjoy daw si Pambansang Ginoo David Licauco sa taping ng kanyang upcoming GMA Prime series na Never Say Die.
Sa kabila ng nakakapagod na action-packed scenes nito, nananatili daw magaan ang trabaho dahil na rin sa kanyang co-stars.
Kabilang diyan sina Star of the New Gen Jillian Ward, Raheel Bhyria, Kim Ji-soo, at Richard Yap na madalas niyang maka-bonding in between takes.
"It takes a while for me to warm up around people. Pero with Jillian, Raheel, Ji-soo, Richard Yap and everyone else, talagang I feel na it's very light lang. I don't have to think too much. Nag-e-enjoy lang kami," bahagi ng aktor.
Gaganap si David sa serye bilang investigative journalist na makikipag-team up sa anak ng pulis para pabagsakin ang isang malaking sindikato.
Kumuha pa siya ng tips mula sa broadcast journalist na si Orly Mercado para paghandaan ang kanyang role.
Tulad ni David, puspusan din ang paghahanda ni Jillian para sa serye.
Nag-train siya sa taekwondo at iba pang martial arts para sa kanyang role.
"Nakapag-dalawang martial arts class po ako tapos isa pong taekwondo class. Natutunan ko po 'yung basics--paano 'yung form, paano talaga sumipa nang may power, kung ano 'yung tamang tindig," lahad ng aktres.
Makakasama nina Jillian, at David sa Never Say Die ang malaki at all star-cast kabilang sina Richard Yap, Kim Ji-soo, Raheel Bhyria, at Analyn Barro.
Bahagi rin nito sina Raymart Santiago, Angelu de Leon, Wendell Ramos, Ayen Munji-Laurel, Jonathan Villoso, at Ms. Gina Alajar.
Panoorin ang buong panayam ni Nelson Canlas kay David Licauco para sa 24 Oras sa video sa itaas.