
Binalikan ni Pambansang Ginoo David Licauco ang ilang alaala niya sa yumaong lolo na si parapsychologist Jaime Licauco sa pagbisita niya sa daily afternoon talk show na Fast Talk with Boy Abunda.
"Pag-bend ng fork, titingnan lang niya 'yung [fork], magbe-bend na. 'Yung toothpick, napapagalaw niya. Siyempre 'pag bata ka, Tito Boy, 'yun lang naman mapapansin mo, maalala mo," kuwento ni David.
Dahil isa sa mga respetadong tao sa larangan ng pag-aaral ng psychic phenomena ang kanyang Lolo Jaime, minsan na ring pumasok sa isip ni David na baka paranormal ang ugat ng kanyang sleep apnea.
Matatandaang matagal nang iniinda ni David ang kundisyong ito at sumailalim pa sa operasyon noong 2024.
"Akala ko before, 'yung sleep apnea ko paranormal kasi binabangungot ka eh. Naalala ko, nakatingin ako sa wall tapos sinusuntok ko 'yung wall eh. 'Tigilan mo na ako.' Ganyan. But actually, wala naman kasing hangin sa wall, eh. 'Di ba 'pag sleep apnea, kailangan mo ng hangin," paggunita ng aktor.
Bukod sa pagiging paranormal expert, isa ring published author, newspaper columnist, at lecturer ang kanyang lolo.
Marami daw siyang natutunan mula dito at sinikap niyang gamitin ang mga ito sa pagiging isang businessman.
"Noong tumanda na ako, I really tried my best na to pick up something from him, specifically meditation, being present, manifestation, intuition which I think na-apply ko sa pagnenegosyo," lahad ni David.
Photo source: davidlicauco (IG)
Samantala, si David ang isa sa lead stars ng bagong GMA Prime action-drama series na Never Say Die kasama si Star of the New Gen Jillian Ward.
Gumaganap siya sa serye bilang Andrew Dizon, isang investigative journalist na gumagawa ng mga expose laban sa mga kurakot, kabilang na ang mga pulis.
Patuloy na panoorin si David Licauco sa action-drama series Never Say Die, Monday to Friday, 8:55 p.m. sa GMA Prime.
May same-day replay ito sa GTV tuwing 10:30 p.m.
Maaari rin itong i-livestream sa GMA Play, ang official streaming app ng GMA Network.
I-download ang GMA Play sa Apple App Store at Google Play.
Available din ito sa GMANetwork.com/GMAPlay at sa mga Android TV.